JobStart nagbigay ng produktibong trabaho sa kabataan

Date Posted: March 14th, 2017 02:15 PM

Sa mundo ng trabaho, sila ang itinuturing na ‘at risk’ o ang mga kabataang Pilipino na may maliit na pagkakataon sa mga produktibong trabaho at kinakailangan pa ng dalawa hanggang apat na taon bago makatungtong sa kanilang unang regular na trabaho.

 

Gayunman, sa tulong ng three-phase full-cycle employment facilitation service ng programang JobStart ay mabilis na silang nakahahanap ng trabaho na magbibigay ng tiyak at maayos nilang kinabukasan.

 

Sila ang 584 na magtatapos sa JobStart at mayroon nang maayos na papasukan matapos nilang sumailalim sa life skills training at technical training at tuluyan nang natanggap o naabsorb bilang mga regular na empleyado, o nakahanap ng trabaho sa ibang mga employer.

 

Sila ay paparangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang Asian Development Bank (ADB) at ang gobyerno ng Canada, sa kanilang seremonya ng pagtatapos na gaganapin sa University of the Philippines-Bahay ng Alumni.

 

Kikilalanin rin ng DOLE sa seremonya ang mga lumahok na employer sa JobStart, maging ang Public Employment Service Offices (PESOs).

 

Ang JobStart ay programa ng DOLE, ADB, at ng Canadian International Development Agency (CIDA), na naglalayong maparami ang mga kabataang magkakaroon ng maayos na trabaho at mabigyan sila ng technical at life skills training na kadalasang hinihingi bilang requirement ng mga employer, at upang lubos silang mabantayan at maturuan upang mas maging mahusay sa paghahanap ng kanilang mapapasukan.


Sa tulong ng JobStart, ang mga youth-at-risk na nasa 18-24 taong gulang na walang trabaho o may mababa sa isang taon na karanasan sa trabaho, hindi naka-enrol sa mga educational o training program, o nakatuntong lamang ng high school, ay magkakaroon ng pagkakataon na sumailalim sa technical at life skills training at on-the-job training na lilinang sa kanilang husay sa mundo ng trabaho.

 

Ang mga nagsipagtapos ay kabilang sa rollout implementation ng programang JobStart Philippines na unang inilunsad sa pitong local government units sa bansa kabilang ang Caloocan; Mandaluyong; Pasay; Quezon City; Taguig; San Fernando, Pampanga; at Gen. Trias, Cavite.

 

Ang San Fernando, Pampanga ang nagtala ng may pinakamataas na bilang ng mga nagtapos sa JobStart at nakakuha ng trabaho sa bilang na 98; sinundan ito ng Mandaluyong, 96; Quezon City, 92; Caloocan, 9; 90; Taguig, 88; Gen. Trias, Cavite, 65; at Pasay, 55.

 

Sa gaganaping seremonya ng pagtatapos, magbibigay ng paunang pananalita si DOLE Assistant Secretary Alex V. Avila na susundan naman ng inspirational message mula kina ADB Country Director Richard Bolt at Ambassador John Holmes ng Embassy of Canada sa Maynila.

 

Si DOLE Undersecretary Joel B. Maglunsod naman ang magbibigay ng keynote message bilang kahalili ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

 

Si Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Rubia-Tutay naman, kasama ang mga local na opisyal ng probinsya at PESO manager mula sa pitong lumahok na local government unit, ang mangunguna sa pagbibigay ng certificate of completion and participation sa mga nagsanay na kabataan sa JobStart.

 

Maggagawad rin ng special awards sa mga natatanging trainee ng JobStart na siyang nagkamit ng pinakamataas na placement rate ng PESO; sa mga employer na nag-absorb ng pinakamaraming empleyado sa mga tainee; at maging sa mga nagpasuweldo ng 100 porsiyentong minimum wage sa panahaon ng pagsasanay.


Sa ilalim ng JobStart, ang mga kabataang benepisyaryo ay makatatanggap ng full cycle employment facilitation service na kinapapalooban ng career guidance at coaching, na pangangasiwaan ng mga tauhan ng PESO at iba pang training coach; life skills training sa loob ng 10 araw; technical skills training na hanggang tatlong buwan; at company-based internship na maaring tumagal ng hangang anim na buwan.

 

Ang paglulunsad ng JobStart sa buong bansa ay naaayon sa Republic Act. No. 10869.

 

END/aldm/Paul Ang



 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo