Pinsala, pagkakasakit dulot ng iligal na droga di sakop ng ECC

Date Posted: March 14th, 2017 02:12 PM

Nanindigan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi makakatanggap ng anumang benepisyo ang manggagawang mapapatunayang napinsala, nabaldado o nagsakit dahil sa paggamit ng pinagbabawal na gamot.
 
Ipinahayag ni Labor Secretary Silveste H. Bello III na ang polisiya ng kagawaran at ng Employees’ Compensation Commission (ECC), kasama ang Regional Extension Units (REUs) nito, ay alinsunod sa layunin ni Presidente Rodrigo R. Duterte na wakasan ang paggamit sa ipinagbabawal na gamot.

 

“Sa ilalim ng kasalukuyang kautusan at regulasyon ng DOLE-ECC, tanging ang mga pinsala, pagkabaldado at pagkakasakit na may kaugnayan sa pagtatrabaho ang maaari lamang mabigyan ng benepisyo. Hindi sila babayaran kung ito ay dahil sa pag-inom ng alak o paggamit ng iligal na droga,” ani Bello.

 

Sa ilalim ng Employees Compensation Program, ang kalasingan ay tumutukoy sa kondisyon ng isang tao na nasa impluwensiya ng alak o ng pinagbabawal na gamot na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa kanyang pagkilos, pananalita, pag-uugali o pag-iisip na nagiging dahilan upang hindi niya magampanan ng maayos ang kanyang tungkulin sa trabaho.

 

Kanyang idinagdag na nakatanggap ang ECC ng kahilingan para sa benepisyo, gayunpaman matapos ang karagdagang beripikasyon, kanilang napatunayan na ang sanhi ng pinsala o pagkakasakit ay dulot ng kalasingan o paggamit ng pinagbabawal na gamot.

 

Sinabi ni ECC Executive Director Stella Zipangan-Banawis na mahigpit na ipinatutupad ng ECC ang occupational safety and health standards bilang pangunahing pananggalang upang maiwasan ang aksidente sa lugar-paggawaan.


“Mahigpit naming ipinagbabawal ang paggamit ng manggagawa ng iligal na droga.  Pinagtitibay ng DOLE at ng ECC ang pagpapanatili ng ligtas, malusog at produktibong kapaligiran para sa ating manggagawang Filipino,” aniya.

 

END/Paul Ang (with report from joc/SS Barredo)/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo