DOLE tutok sa pagsunod ng mga kumpanya sa Labor Laws

Date Posted: March 10th, 2017 05:41 PM

Magsasagawa ng inspeksyon at pagsisiyasat ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kumpanya sa piling industriya upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga labor laws at iba pang umiiral na panuntunan.

 

Inatasan na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Special Assessment and Visit of Establishment (SAVE) team upang mag-inspeksyon sa Philippine Airlines, PAL Express, at kanilang mga kontraktor kung nakasusunod sila sa general labor standards, occupational safety at health standards, at iba pang batas at panuntunan.

 

Batay sa administrative order, binuo ni Bello ang grupo na pinangungunahan ni Bureau of Working Conditions (BWC) Director Ma. Teresita Cucueco, kasama si Occupational Safety and Health Center (OSHC) Executive Director Noel Binag, National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Executive Director Shirley Pascual, Bureau of Labor Relations (BLR) Director Benjo Benavidez, DOLE regional directors, at mga labor laws compliance officer bilang mga miyembro.

 

Sinabi ni Bello na ang nasabing aksyon sa mga industriya ay upang matiyak na ang mga manggagawa ay nakatatanggap ng karampatang mga benepisyo sa ilalim ng mga umiiral na batas sa paggawa, regulasyon at iba pang panuntunan.

 

Hinihikayat rin ang iba pang kumpanya sa industriya ng air transport na boluntaryong sumunod sa batas.

 

Ayon pa sa kalihim, ang special assessment ay tumatalima sa Article 128 of the Labor Code, as amended, at Department Order No. 131-B, Series of 2016 o ang Revised Rules on Labor Laws Compliance System upang matiyak ang pagsunod ng mga kumpanya sa labor laws.

 

Ang grupo ay magsasagawa ng mga inspeksyon sa PAL at PAL Express’ corporate office, ticketing offices, cargo offices, airport offices, at iba pang opisina kabilang ang kanilang mga kontraktor o service provider.

 

Ang BWC naman ang mangunguna sa pagpaplano ng mga isasagawang inspeksyon na ilulunsad rin sa ibat ibang rehiyon sa bansa. Magbibigay rin ng tulong teknikal ang BWC upang matiyak ang pagsunod sa batas ng General Labor Standards at iba pang kahalintulad na batas, regulasyon, at panuntunan kabilang ang pagtalima ng mga kumpanya sa umiiral na regulasyon sa pangongontrata.

 

“Kasunod ng gawaing ito, ang BWC ay magsusumite ng regular na ulat sa mga isinagawang inspeksyon at terminal report ng mga aktibidad ng SAVE sa Undersecretary ng Labor Relations and Special Concerns,” ayon sa kautusan ni Bello.

 

Ang OSHC, NCMB, at BLR naman ay magbibigay rin ng tulong teknikal kaugnay sa mga panuntunan sa pagsunod sa occupational safety and health standards at iba pang kaugnay na batas, regulasyon at panuntunan.

 

Isinasaad rin ng A.O. na ang mga DOLE Regional Director ang siyang mangunguna sa mga isasagawang pag-iinspeksyon sa antas ng mga rehiyon.

 

“Ang mga Regional Directors ay maglalabas ng Authority to Assess to Labor Laws Compliance Officers (LLCO) at magbibigay ng lahat ng kinakailangang logistical at administrative support upang mapadali ang pagresolba sa mga kaso na siyang maaaring lumutang sa kasagsagan ng mga isasagawang inspeksyon,” dagdag pa ni Bello.

 

Makikiisa naman sa mga gagawing inspeksyon ang PAL Employees’ Association (PALEA) na pangangasiwaan naman ng mga regional director ng DOLE.

 

Bago ang kanilang pagsama sa mga aktibidad, ang mga miyembro ng PALEA ay sasailalim muna sa oryentasyon sa Revised Rules on Labor Laws Compliance System, General Labor Standards, Occupational Safety and Health Standards, at iba pang kahalintulad na batas at panuntunan.

 

Makikipag-ugnayan naman ang Assessment team ng DOLE sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang mapangasiwaan ang pagsasagawa ng mga inspeksyon at pagsisiyasat.

 

#mdd/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo