Natatanging babaeng OFW, pinarangalan ng DOLE-OWWA

Date Posted: March 10th, 2017 05:02 PM

Labing pitong natatanging babae na miyembro ng OFW Family Circle (OFC) sa buong bansa ang pinarangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Miyerkules kasabay rin ng pagdiriwang ng International Women’s Day.

Tumanggap ng plake na “Parangal sa mga Natatanging Kababaihan” mula kina Labor Secretary Silvestre H. Bello III at Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo J. Cacdac ang mga katangi-tanging kababaihan.

Sa kanyang mensahe sa ginawang seremonya sa Philippine International Convention Center, sinabi ni Bello na ang mga Pilipinong babae sa henerasyong ito ay nararapat lamang na kilalanin at parangalan dahil sa hindi matatawaran nilang dedikasyon sa kanilang mga trabaho at negosyo at sa kanilang sipag at tiyaga.

“Pinapupurihan ng kagawaran ng paggawa ang mga natatanging Pilipina na ito, maging ang mga matiyagang overseas Filipino workers para sa kanilang determinasyon at debosyon sa pagpapalaganap ng women empowerment,” wika ni Bello.

Tinatayang nasa 300 natatanging kababaihan na kinabibilangan ng mga overseas Filipino workers, miyembro ng OFW Family Circles, at mga Pilipina mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang dumalo sa nasabing seremonya ng parangal na naglalayong kilalanin ang katangi-tanging ambag at tagumpay ng mga kababaihang Pilipino sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac na ang mga nominado para sa parangal ay pinili ng screening team mula sa mga regional office base sa kanilang aktibong pakikisalamuha sa OFW Family Circle; adbokasiya sa women empowerment, sigasig sa kapakanan at paglinang sa karapatan ng kababaihan; partisipasyon sa mga isyu at mga proyekto sa komunidad; kapasidad na makahikayat ng iba, kalinangan sa makabagong teknolohiya, leadership, at patuloy na pagsuporta sa mga isyu sa kababaihan tulad ng kalusugan, nutrisyon, entrepreneurship, at pagkakapantay pantay ng kasarian.

Tatlong matagumpay na mga kababaihan na sina Myrna Y. Padilla, pangulo ng OFW Watch at founder at CEO ng Mynd Consulting; Fe S. Lao, organic farming entrepreneur; at Cecilia Santos-Jocson, guro at may-ari ng Sweet Treats ang nagbahagi ng kanilang mga karanasan at kwento ng tagumpay sa nasabing seremonya ng parangal.

Si Santos na dating OFW, ay hinimok ang mga kababaihan na maniwala sa kanilang pangarap; magdasal at magsipag sa trabaho, mahalin ang kanilang mga ginagawa, at huwag sumuko sa anumang hamon sa buhay. “Ang mga hamon na ito ang magdadala sa atin upang makamit ang tagumpay,” ayon kay Santos.

Ginawaran nina Bello at Cacdac ng plaque of recognition sina Myna Garcia mula sa CAR; Ernita Santos, NCR; Edna Valdez, RWO; Jocelyn Danao, RWO II; Priscilla Cruz, RWO III; Marilyn Ligot, RWO IV-A; Edna Madrigal, RWO IV-B; Lolita Tadeo, RWO V; at Alicia Refor mula sa RWO VI.

Kinilala rin ng DOLE at OWWA ang tagumpay nina Marcelina Catillon, RWO VII; Ma. Melba Esquibel, RWO VIII; Bernadette Sedillo, RWO IX; Flor Victoriano, RWO X; Carmelita Ancheta, RWO XI; Precilla Panzo, RWO XII; at Tahanie Mohammad Dalmaob mula naman sa ARMM.

#Paul Ang

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo