PhilJobNet ng DOLE, may 10,000 bakanteng trabaho

Date Posted: March 10th, 2017 03:06 PM

Nakapagtala ng kabuuang 10,756 bakanteng trabaho sa linggong ito ang PhilJobNet, ang internet-base job at applicant matching portal ng Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan karamihan sa nangungunang bakanteng trabaho ay mula sa industriya ng business process outsourcing (BPO).

 

Batay sa datos ng Bureau of Local Employment (BLE), na nangangasiwa sa database ng PhilJobNet, ang mga bakanteng posisyon ay mga call center agent na may 2,086; customer service assistant na may 776; 74 bakanteng puwesto para sa service crew; staff nurse na may 674; production machine operator na may 602; 595 para sa promo salesperson; real estate salesman naman na may 570; manufacturing laborer na mayroong 515 bakanteng posisyon, sales clerk na may 513, at 505 bakante para naman sa sales associate professional.

 

Kabilang rin sa nasabing website ang mga bakanteng puwesto para sa mga non-formal education teacher na may 449, cashier na may 379, technical support staff sa bilang na 377; door-to-door salesperson na may kabuuang 375; janitor na may 310; telecommunication specialist, 297; beauty consultant, 260; salesman, 247; sugar production machine operator, 240; at mason (general), na may 240 na bakanteng puwesto.

 

Hinimok naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang publiko na gamitin ang pinalakas na serbisyo ng PhilJobNet dahil mabilis nitong mapagtatagpo ang mga Pinoy jobseeker at mga employer.

 

Mula naman noong Marso 9, may kabuuan ng 1,535 accredited employer ang naglathala ng kanilang mga bakanteng trabaho sa PhilJobNet habang nakapagtala na ng 14,077 registered jobseekers ang nasabing website. 

 

Maaaring magparehistro sa PhilJobNet ang sinumang naghahanap ng trabaho kung sila ay nasa 15 taong gulang na, habang ang anumang establisimento o kumpanya na kinikilala ng mga ahensya sa bansa at may Tax Identification Number (TIN) ay maaari namang magparehistro bilang employer.

 

Ang mga employer ay maaaring mag-imbita ng mga rehistradong aplikante para sa kanilang job interview sa kanilang itinakdang araw at maaaring ma-print ang profile ng aplikante.

 

Ang mga naghahanap naman ng trabaho ay pwedeng mag-apply online at makita ang mga nangungunang kumpanya na tumatanggap ng aplikante. Mas pinadali na rin ng PhilJobNet ang job matching sa pamamagitan ng paglalagay ng filter tulad ng paghahanap lamang sa kategorya ng job requirement at kuwalipikasyon ng aplikante.

 

Ang mga aplikante ay pwede ring mag-upload ng kanilang profile picture sa portal, maging ang mga kumpanya para sa kanilang logo at iba pang kinakailangang dokumento. Mayroon rin itong kakayahan upang maibalik o ma-reset ang mga nakaligtaang password.

 

Ang serbisyo ng PhilJobNet ay libre para sa mga aplikante at establisimento.

 

Para sa karagdagang bakanteng posisyon na maaaring pasukan o iba pang serbisyo para sa trabaho, ang mga jobseeker at employer ay maaaring maglog-on sa http://philjobnet.gov.ph/.

 

END/aldm/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo