Isang barbecue vendor at asosasyon ng mga kababaihan ang tinanghal na national winner sa ginanap na Kabuhayan Awards ng Department of Labor and Employment, o ang ‘Search for outstanding DOLE-assisted livelihood projects’, noong nakaraang linggo.

 

Si Sheryl E. Monroid mula sa rehiyon ng Davao ay tinanghal bilang national champion sa ilalim ng individual category, at ang Gabriela Women’s Association bilang national champion sa ilalim naman ng group category.

 

Ang Kabuhayan Awards ay iginagawad sa mga indibidwal at grupo na matagumpay na nalinang ang kanilang mga proyektong pangkabuhayan na ayuda sa kanila ng DOLE.

 

Si Monroid, 28, at may dalawang anak, ay napili bilang Kabuhayan champion dahil sa pagpapalago ng kanyang Nego-Kart Barbecue project na natanggap niya sa DOLE noong 2015.

 

Dahil sa kanyang determinasyon at maayos na pagpapatakbo ng negosyo, ang dami at bersyon ng kanyang mga produkto na ibinibenta ay mas lumawak pa na siyang nagresulta sa paglikha ng trabaho sa bayan ng Padada, Davao del Sur.

 

Sa ngayon si Monroid ay mayroong limang regular na assistant at tatlong part-time na estudyante na binibigyan niya ng libreng pagkain, allowance, at nakarehistro rin sila sa mga national insurance.

 

Sa kabilang dako, ang kanyang kinikita ay umaabot na mula P7,500 hanggang P10,000 tuwing regular na gabi at P15,000 hanggang P16,000 sa tuwing mayroong espesyal na okasyon na siyang ginagamit niya upang mapag-aral ang kanyang mga anak.

 

Nakapagpatayo na rin siya ng bahay sa tulong ng kinikita niya sa nasabing negosyo. Ngayon, binabalak na rin niyang magtayo pa ng isang proyektong pangkabuhayan, ang hog raising.

 

Ang Gabriela Women’s Association naman ay isang marginalized group ng mga magsasaka at home-based workers na nakuha ang unang puwesto sa kompetisyon para sa group category.

 

Ang grupo ng kababaihan mula sa Pidigan, Abra, matapos na mabigyan ng tulong pangkabuhayan ng kanilang local government unit, ay nagtayo naman ng Chichacorn processing. Nalinang rin nila ang nasabing negosyo matapos na mabigyang ng DOLE ng tulong pangkabuhayan ng dalawang beses. Una noong 2012, na nagkakahalaga ng P450,737, at noong 2015, ay P810,750.

 

Bunsod ng suportang kanilang natanggap, kabilang ang mula sa DTI, nagawa nilang linangin ang kanilang kabuhayan at maging matatag ang kanilang negosyo. Ang kanilang mga produkto ay naibebenta na ngayon sa ilang mga pasalubong center, groceries, sari-sari store at mga paaralan at nagresulta rin ito sa pagbibigay ng trabaho sa ilang mga residente sa kanilang komunidad.

 

Mula 32 noong 2011, ang kanilang miyembro ay 100 na ngayon kung saan nagagawa na nilang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya, makapagbayad ng kontribusyon sa social security at matulungan ang iba pang magsasaka na madagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagbili nila ng mais sa mas mataas na halaga.

 

Ang 2017 Kabuhayan Awards ay inilunsad ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ng DOLE sa pakikipagtulungan sa mga DOLE Regional Office.

 

Sa ilalim ng individual category, ang mga national finalist ay kinabibilangan ng Sauce Making/Pinoy Chili Sauce mula sa National Capital Region (NCR); Pork Rind Making (Chicharon) mula sa Region 3; Tailoring Project mula sa Region 4-A; Puto Making mula sa Region 5; Poultry Raising/Vegetable Production mula sa Region 6; Reign Bag Making ng Region 7; Nego-Kart ng Region 9; Restaurant and Catering Services ng Region 12; at Sari-Sari Store and Kakanin Business na mula naman sa CARAGA.

 

Para naman sa group category, kinabibilangan ang mga national finalist ng TODA Livelihood and Assistance Project mula sa NCR; Fossilized Flowers ng Region 2; Wine Making ng Region 3; Production of School Chairs ng Region 4-A; Virgin Coconut Oil and Turmeric Tea Production ng Region 4-B; Rice Mill Project mula sa Region 5; Native Chicken Industry Project mula sa Region 6; Vulcanizing Shop ng Region 7; Massage and Spa Services ng Region 9; Fish Pen Cage Culture ng Region 10; Garments and Handicrafts Making mula sa Region 11; Enhancement of Customized Shirts with Computer Printing Embroidery/Silk Screen mula sa Region 12; at Pure Ever Purified Drinking Water Station na mula naman sa CARAGA.

 

Ang mga manager din ng Public Employment Service Office (PESO) ng mga nagwaging kalahok ay ginawaran rin ng Plaque of Recognition para sa kanilang natatanging kontribusyon at sa patuloy nilang paglinang ng mga proyektong pangkabuhayan ng mga ‘Kabuhayan winners’.

 

END/Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry