Mas madali nang mapupuntahan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar kapag ito ay lumipat na sa bago nitong tanggapan sa West Bay sa Doha.

“Dapat lagi nating tinitiyak na maayos ang ibinibigay nating serbisyo sa ating mga OFWs.  Ang paglipat ng labor office ay higit na makakatulong sa ating mga kababayan upang madali nilang matanggap ang serbisyo ng ating pamahalaan, gayundin ang paglapit ng mga isyu at suliranin na nangangailangan ng agarang aksiyon at tulong,” ani Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Ayon kay Qatar Labor Attaché David Des Dicang, lilipat ang POLO sa bago nitong opisina sa Al Jazeera Tower sa Marso, na matatagpuan sa West Bay kung saan maraming OFW ang nagtatrabaho at naninirahan.

 

“Maraming Filipino ang natuwa sa paglipat ng POLO sa West Bay, kabilang na ang mga community leader, sa dahilang ito ay nangangahulugan ng mas mabilis at maayos na pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan,” ani labor attaché sa kanyang ulat kay Secretary Bello.

 

Ang kasalukuyang tanggapan na matatagpuan sa Al Furat St. Onaiza Area, Dafna ay gagawing Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC), na sentro ng pagbibigay ng tulong sa mga migranteng Filipino at pansamantalang matutuluyan ng mga problemadong OFWs.

 

Pinapurihan ng United Filipino Organizations in Qatar (UFOQ) ang paglipat ng tanggapan ng POLO para madaling maiabot ng pamahalaan ang serbisyo sa mga OFW.
“Ang desisyon ng POLO ay makakabuti para sa mga Fiipino dahil mas madali silang makapupunta sa tanggapan gamit ang pampubliko at pribadong sasakyan. Mas maganda rin ang binibigay na seguridad sa bagong lugar. Ang paglipat ng bagong tanggapan ay nagtataas sa imahe ng ahensiya ng pamahalaan ng Pilpinas,” ani UFOQ Chairman Ressie Fos.

 

Samantala, sinabi ni Bello na patuloy na palalakasin ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO), ang pagbibigay ng serbisyo at programa para sa proteksiyon at pangkagalingan ng lumalaking bilang ng mga Filipino sa Qatar.

 

END/ADV/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry