Inihanda na ng Department of Labor and Employment ang tulong-pangkabuhayan at emergency employment sa mga manggagawang maapektuhan ng pagpapatigil sa operasyon ng 23 minahan.

Ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na nakatakdang gumawa ng pagsusuri at profiling ang mga tanggapan ng DOLE sa Region 3, 6, 13, at Cordillera Administrative Region sa mga maapektuhang manggagawa para maisama sa programa ng pamahalaan na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD).

“Akin nang inatasan ang mga DOLE Regional Office na suriin at maghanda sa magiging epekto ng pagsasara ng mga kompanya sa minahan. Ang mga manggagawang nagnanais ng pansamantalang trabaho ay mabibigyan ng emergency employment samantalang ang mga nagnanais na magkaroon ng ibang mapagkukuhanan ng pagkakakitaan ay bibigyan ng tulong-pangkabuhayan,” ani Bello.

Sinabi niya na plano din ng regional office, sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority, na magbigay ng pagsasanay sa manggagawa upang maitaas ang kanilang kasanayan at kakayahan.

Ang mga matatangap na manggagawa sa programang TUPAD ay sasahod ng regional minimum wage at maaring magtrabaho ng mula 15 araw hanggang 30 araw. Sakop din ang mga manggagawa ng proteksiyong-pangkagalingan mula sa GSIS at bibigyan din sila ng Personal Protective Equipment (PPE) tulad ng safety boots, sweatshirt, hat, gloves, at iba pang kagamitan depende sa kanilang magiging trabaho at/o proyekto.

Bago isagawa ang proyekto, sasailalim ang mga manggagawa sa isang pagsasanay mula sa Occupational Safety and Health upang magkaroon ng kaalaman para sa sa ligtas at malusog na manggagawa. Kasama sa tatalakayin ang mga hindi ligtas at hindi maayos na kondisyon sa pagawaan upang makaiwas sa anumang uri ng aksidente.

Ang programa ay hindi lamang para mabigyan ng kabuhayan ang mga manggagawang maapektuhan sa pagpapatigil ng operasyon sa minahan, nilalayon din nitong pangalagaan at maisaayos ang kapaligiran.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3