Nagpaabot na ng tulong pinansyal at pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa bansang Jordan noong Pebrero 5.

 

Personal na inabot ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang tulong pinansyal kay Natividad Dalupang, ina ng biktima na si Felma Dalupang Maramag, at tiniyak ang suporta ng pamahalaan sa kanyang pamilya.

 

“Si Felma ay isa lamang sa modernong bayani ng henerasyong ito. Nararapat lamang siyang parangalan dahil sa sakripisyo niya para makapagbigay ng maayos na buhay sa kanyang pamilya. Ipinaaabot namin ang aming pakikiramay sa pamilya ni Maramag at nananalangin kami para sa kanilang kapakanan,” ani Bello.

 

Dahil si Felma ay isang aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration, ang kanyang pamilya ay makatatanggap ng P220,000 tulong pinansyal at scholarship naman para sa kanyang anak na si Angelica mula sa OWWA; P50,000 mula sa kanyang recruitment agency, at P500,000 para sa life insurance.

 

Bibigyan rin ng tulong pangkabuhayan ng OWWA si Natividad bilang bahagi ng benepisyo ni Maramag sa ahensya.

 

Una ng inatasan ni Bello si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na madaliin ang pagpapalabas ng benepisyo at tulong pinansyal para sa pamilya ni Maramag upang makapagpatuloy sila sa kanilang pamumuhay sa kabila ng hindi inaasahang insidente.

 

Makikipag-ugnayan rin ang ahensya sa pamilya ni Maramag kaugnay ng pagpapalabas ng savings ng biktima sa bangko na tinatayang nasa P200,000.

 

Naihatid na ang mga labi ni Maramag sa kanyang probinsya sa Tuguegarao City at nakatakda itong ilibing sa Pebrero 28, 2017.

 

Magugunitang ang walang buhay na katawan ni Maramag at kanyang employer ay nadiskubre ng isang pulis na rumesponde lamang sa tawag kaugnay sa sunog sa lugar na pinapasukan ng OFW. Lumalabas naman sa otopsiya ng OFW na nagtamo siya ng saksak sa ulo, nabasag rin ang kanyang bungo dahil sa matinding pagkakahampas ng matigas na bagay, at mayroon rin siyang pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry