Cebu City, Philippines. Hinikayat ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga magsasaka, mangingisda, tindero, at iba pang manggagawa na nasa informal sector na kumuha ng tulong pangkabuhayan upang mailipat sila sa pormal na ekonomiya.

Binigyang diin ito ni DOLE Undersecretary Joel B. Maglunsod kasabay ng paghimok niya sa mga kuwalipikadong manggagawa na kumuha ng ‘Kabuhayan Program’ ng DOLE na pangunahing kategorya sa DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), sa ginanap na pagdiriwang ng Araw ng Paggawa para sa mga manggagawa sa Informal Sector.

Ang programang pangkabuhayan ng DOLE ay nagbibigay oportunidad sa mga manggagawa na bumuo ng sariling negosyo sa pamamagitan ng ‘income-generating livelihood activities.’

Dagdag pa ni Atty. Ma. Karina P. Trayvilla, Direktor ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), maaaring mabigyan ng DOLE ng tulong pangkabuhayan ang mga manggagawa sa informal sector sa ilalim ng dalawang kategorya – group at individual project.

Para sa group project, maaaring makakuha ng PHP250,000.00 na pinansyal na tulong ang organisasyon na may nasa 15 hanggang 25 miyembro.

Ang organisasyon naman na mayroong 26 hanggang 50 miyembro ay maaaring makakuha ng halagang aabot sa PHP500,000.00; habang ang asosasyon na may higit sa 50 miyembro ay maaaring mabigyan ng tulong na aabot sa PHP1,000,000.00.

Ayon pa kay Atty. Trayvilla, sa ilalim naman ng individual project, ang mga manggagawa ay maaaring mabigyan ng Starter Kit o Negosyo sa Kariton (Nego-Kart) ng hanggang PHP20,000.00.

Hinikayat rin ni Assistant Secretary Ma. Gloria A. Tango ang mga lumahok sa Labor Day para sa Informal Sector na tulungan ang kagawaran upang makamit ang tuwirang pag-unlad ng bansa.

Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng Kabuhayan program ng DOLE ay ang mga self-employed subalit hindi sapat ang kita; marginalized at landless farmer; marginalized fisher folks; unpaid family member; kababaihan at kabataan; low/minimum wage earner at seasonal na manggagawa; mga displaced na manggagawa o mawawalan pa lamang ng trabaho dahil sa resulta ng natural disaster o pagsasara ng establisimento, retrenched at na-terminate na manggagawa; persons with disability (PWDs); senior citizens; indigenous people; mga magulang o guardian ng child laborer; rebel returnees; at mga biktima ng armed conflict.

Ang pambansang pagdiriwang ng Labor Day para sa Informal Sector sa Cebu ay nilahukan ng higit sa 300 katao mula sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), Alliance of Workers in the Informal Sector (ALLWIES) at mula sa iba pang asosasyon ng mga manggagawa.

END/LSenarlo-Taniza/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3