Nilalayon ng pamahalaan na maitawid ang mga manggagawa sa impormal na sektor patungo sa pormal na ekonomiya, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III nitong nakaraang linggo.

 

Sa ginanap na pagdiriwang ng Labor Day kasama ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) Workers in Informal Sector Council (WISC) sa Davao, sinabi ni Bello na ang kagawaran ng paggawa ay ninanais rin ang rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO) na mabigyan ang mga sector ng pagkakataon na makapasok sa pormal na ekonomiya.

 

“Sa kabila ng kanilang kontribusyon sa ekonomiya, ang mga manggagawa sa impormal na sektor ay hindi lubusang nasasaklaw ng mga batas sa paggawa at panuntunan. Kaya naman nais rin ng DOLE ang rekomendasyon ng ILO,” ayon kay Bello habang pinatutungkulan ang ILO Recommendation No. 204.

 

Dinagdag pa niya na ang DOLE ay seryosong gumagawa ng mga hakbangin upang matiyak na ito ay maisasakatuparan.

 

Ang DOLE, kasama ng NAPC-WISC, ay nagsagawa ng mga konsultasyon at workshop upang matiyak na ang mga pangunahing kakulangan sa polisiya kaugnay sa kampanya ng pamahalaan na matugunan ang problema sa impormal na sektor ay maresolba, maging ang mga istratehiya at modelo upang maisakatuparan ang transisyon ng mga manggagawa sa impormal tungo sa pormal na ekonomiya.

 

Ang mga consultative workshops ay nakatuon sa mga adhikain sa lehislatura na siyang tutugon sa dahilan ng impormalidad at maging mas pormal pa ang mga nasa impormal na manggagawa.

 

Sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), ang DOLE ay naglunsad ng tinatawag na Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) kung saan kabilang sa mga inaasahang resulta rito ay ang Blueprint for Decent Employment and Entrepreneurship para sa 2017-2022 at ang Livelihood Agenda 2017-2022.
Ang inisyal na layunin nito ay upang mas mapalakas pa ang trabaho at kabuhayan at mahikayat ang pagbubuo at ng paglago sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng GoNegosyo Law, ng MSME Development Plan, at ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) 2015 Action Agenda to Globalize MSMEs.

 

Ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang nagpapatupad ng programang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) upang mabawasan ang kahirapan sa mga marginalized workers.

 

Mula noong Hulyo ng nakaraang taon, nasa 54,643 manggagawa na ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan na mayroong mga Starter Kits o Negosyo sa Kariton (Nego-Kart), Enterprise Development Program, Workers Income Augmentation, at Youth Entrepreneurship Support.

 

Naglabas na rin si Bello ng Department Order No. 173 o ang revised guidelines in the implementation of the DILEEP.

 

Sa pamamagitan ng D.O., ang maximum per capital assistance sa mga benepisyaryo ay itinaas na mula sa P10,000 patungo sa P20,000. Liban pa rito, nagkaroon na rin ng probisyon para sa sanitary tools and equipment para sa mga proyektong pangkabuhayan at probisyon sa micro-insurance para sa mga benepisyaryo.

 

Ang Occupational Safety and Health Center (OSHC), isang attached agency ng DOLE, ay siya namang nagbibigay ng libreng OSH appreciation course upang matulungan ang mga manggagawa sa impormal na sektor ukol sa usapin ng kaligtasan at proteksyon upang sila ay mas maging produktibo.

 

Dagdag pa rito, upang matiyak na ang mga manggagawa sa impormal na sektor ay magkaroon ng kinatawan sa mga dayalogo, ang Bureau of Labor Relations (BLR) ay naglabas ng advisory na nag-uutos ng pagbuo sa Regional Tripartite Industrial Peace Councils (RTIPCs) kung saan mayroong kinatawan ang mga nasa impormal na sektor.

 

Ang DOLE at NAPC-WISC ay nanguna noong Sabado sa 6th Workers in the Informal Economy Labor Day sa Davao City, na may temang, “Boses, Pagkilala at Pakikilahok sa Pamamahala Tungo sa Matatag na Negosyo at Kabuhayan.”

 

#Aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2