May kabuuang 272,709 kabataang benepisyaryo ang naitalang nakinabang sa special student employment at internship programs ng Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Ayon sa tala ng Bureau of Local Employment (BLE), ipinahayag ni Secretary Silvestre H. Bello III na may kabuuang 229,674 kabataang benepisyaryo ang sumailalim na sa Special Program for Employment of Student (SPES) samantalang may 43,035 trainees naman ang nakinabang sa DOLE Government Internship Program (GIP).

 

“Sa ilalim ng SPES at programang GIP ng DOLE, layon naming bigyan ng oportunidad ang kabataan na makapagtrabaho at higit na linangin ang kanilang kakayahan,” pahayag ni Bello.

 

Sa pamamagitan ng suporta ng ibang ahensya ng pamahalaan, ang SPES ay isang summer employment program para sa mga mag-aaral na sasailalim sa trabaho sa pamahalaan upang itaas ang kanilang kamalayaan sa pampublikong serbisyo.

 

Ang GIP naman ay naghahatid ng tatlong-buwang internship para sa mga college graduates na nagnanais na makapagtrabaho sa gobyerno.

 

Sinabi ni BLE Director Dominique Tutay na mayroong 229,674 SPES trainees ang naitala sa taong 2016 o 10.47 poryentong mas mataas sa 207,898 youth beneficiaries na naitala noong 2015.

 

Ayon sa tala, ang tatlong nangungunang rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga benepisyaryo ay ang DOLE RO 3 na may 26,108; RO 12 na may 22,328; at ang RO 7 na may 20,688 youth beneficiaries.

 

Sa basehan ng edad, ang mga kabataang may edad ng 15-18 ang nananatiling may pinakamataas na bilang ng benepisyaryo ng SPEs na may 110,554 o 48 poryento ng kabuuuang bilang ng mga trainees. Sinundan ito ng mga kabataang may edad na 19-21 gulang na may 82,503 samantalang ang mga kabataang may edad ng 22-25 gulang naman ay mayroong bilang na 36,617.

 

Ayon sa tala ng DOLE, may kabuuang 3,061 government at private employers ang nakibahagi sa implementasyon ng programa sa taong 2016. Ang 1,314 sa kanila ay mula sa Local Government Units (LGU); 118 mula sa iba’t ibang state universities at colleges; at 31 naman mula sa national government agencies.

 

Samantala, mayroong 1,269 private establishments naman ang nakibahagi sa programa na kinabibilangan ng 307 private educational institutions; at 21 non-government organizations.

 

Ayon rin sa ulat, may 1,597 pribadong establisyimento ang nakibahagi sa programa  ngayong 2016 o 22 porsyentong mas mataas mula sa 1,309 noong 2015. Tumaas naman ng 12.5 porsyento o 1,464 ang kabuuang bilang ang nakibahagi sa taong 2016 mula sa sector ng gobyerno.

 

May kabuuang P 817.96 milyon naman ang naitalang inilaan sa implementasyon ng programa kung saan ang P 708.75 milyon nito ay mula sa General Appropriations Act (GAA); P 57.67 milyon mula sa Bottom Up Budgeting (BUB) at P51.53 milyon na nagmula sa natirang pondo noong 2015.

 

Pinalawak rin ng bagong SPES law ang limitasyon sa edad ng mga benepisyaryo mula sa 15-25 na ngayon ay saklaw na rin ang mga kabataang may edad 15-30. Ang bilang ng araw ng pagtatrabaho ay dinagdagan rin mula sa 20-52 days na ngayon ay 20-78 days.
Iniulat rin ng BLE ang kabuuang 43,035 youth beneficiaries ng GIP na nagbunga ng 114.2 porsyentong higit na mas mataas sa target na 37,694 benepisyaryo sa taong 2016.

 

Ipinahayag rin ni BLE Director Tutay na ang kabuuang bilang ng mga intern-beneficiaries ng GIP ay binubuo ng 15,615 mula sa Visayas; 15,043 mula sa Luzon; at 12,377 benepisyaryo mula sa Mindanao.

 

Ang DOLR RO VIII ang naitalang may pinakamataas na bilang ng mga benepisyaryo sa mga rehiyon na nakapagtala ng 8,402 benepisyaryo na sinundan ng RO XI na may 4,654. Nakapagtala naman ng 4,190 benepisyaryo ang RO VI at 3,732 naman sa CARAGA Region.

 

Ayon rin sa report, karamihan sa mga intern-beneficiaries ng GIP ay mga babae na may 56.44 porsyento o 24,289 na mas mataas sa 43.36 porysento ng mga lalaking benepisyaryo na 18,746.

 

Ang mga intern-beneficiaries ay itinalaga sa iba’t ibang government offices sa bansa at 33,656 interns ang naitalaga sa mga Local Government Units. May 19, 415 benepisyaryo ang naitala sa LGU sa mga lalawigan, lungsod at bayan samantalang 11,211 youth beneficiaries naman ang nasa iba’t ibang barangay.

 

Dagdag pa rito, may kabuuang 8,565 interns ang naitalaga sa ibang ahensya ng gobyerno. Ang Public Employment Service Office (PESO) ay tumanggap rin ng 3,031 youth beneficiaries at 813 interns naman ang naitalaga sa DOLE at ibang regional offices nito.

 

“Ang pagsisikap at koordinasyon ng ating mga regional offices, partner agencies at stakeholders ay mayroong malaking naiambag sa tagumpay ng ating GIP program. Hindi natin makakamit ang ating target kung wala ang tulong nila,” pahayag ni Bello.

 

Sinabi naman ni Director Tutay na ang programa ay patuloy na nakapaglilikha ng mga produktibong interns mula nang ito ay magsimula. Ang ilan sa kanila ay agad ring tinanggap ng mga nakiisang stakeholders sa pagtatapos ng kanilang internship period.

 

“Ang GIP program ng DOLE ay nagbibigay ng magandang training sa mga fresh graduates. Sila ay mas nagiging produktibo at maalam sa kanilang nais na trabaho,” dagdag ni Tutay.

 

END/Paul Ang/BLE/Abegail De Vega

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry