Napatunayang epektibo ang alternatibong pamamaraan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasaayos ng hindi pagkakaunawaan ng mga suliranin sa paggawa matapos mabenepisyuhan ang mga manggagawa, partikular ang mabilis na pagresolba ng kaso ng mga overseas Filipinos workers.

Tinatawag na Single Entry Approach (SEnA), ito ay isang sistema kung saan sasailalim sa 30-araw na pagpupulong ang dalawang partido upang magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan at walang gastos na pamamaaraan ng pagkakasundo sa lahat ng usapin ukol sa paggawa upang hindi na ito lumala pa.

Batay sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration, sinabi ni Administrator Hans Leo J. Cacdac, na karaniwang umaabot lamang ng anim na araw ang pagresolba ng mga kasong may kinalaman sa OFW.

“Nakatulong ang SENA na mabawasan ang sistemang ‘turu-turuan” sa paghahain ng kaso, kung saan ang nagrereklamong OFW ay ituturo mula sa isang opisina patungo sa ibang opisina, na nakakapinsala sa interes ng manggagawa,” ani Cacdac.

Nitong huling 11 buwan, sinabi ni Cacdac na tumanggap ng iba’t ibang Requests for Assistance (RFA) ng mga kasong may kinalaman sa OFW tulad ng paglabag/pagpapalit ng kontrata, hindi pagbabayad ng sahod at overtime pay, hindi pagbibigay ng end-of-service benefit, pang-aabuso, hindi magadang kondisyon sa paggawa, at pagsasauli ng pasaporte at/o iba pang dokumento.

Ipinaliwanag ni Cacdac na 5,067 kaso ang naresolbahan, samantalang 5,273 RFAs ang naisaayos, na may 95 percent disposition rate at 91 percent settlement rate, ayon sa pagkakasunod.

Ang mga nasabing kaso ay may monetary benefit na P132,919,057.20, at ibinigay ng OWWA sa 5,671 OFWs.

“Ang mga datos na ito ng disposition at settlement rate sa pagpapatupad ng SENA ay magandang indikasyon na may kakayahan ang ahensiya na ayusin ang mga kaso ng OFW,” ani Cacdac. Kanyang idinagdag na ito rin ay nagpapahayag ng ‘tiwala’ at ‘kompiyansa’ mula sa mga kliyenteng OFW.

“Lagi kong pinapaalala sa mga kawani ng OWWA ang ‘urgency is always the order of the day’, dahil dito ang lahat ng kaso ng OFW ay binibigyan ng pagpapahalaga katulad din ng mga ibang kaso,” dagdag niya.

END/OWWA Report/TDL/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry