Nakatakdang magbigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga training at seminar upang linangin ang kakayahan ng mga manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng bagong kautusan sa contracting at subcontracting.

 

Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, ang DOLE sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ay handang tumanggap at magsanay ng mga manggagawa na manggagaling sa iba’t ibang industriya at linangin ang kanilang kakayahan upang mas maging kuwalipikado sa iba pang oportunidad sa trabaho.

 

“Naniniwala kami na ang bagong department order 174 ay maaaring makaapekto sa maliit at katamtamang mga negosyo at ang ibang mga manggagawa ay mawawalan ng trabaho. Dahil rito, agad na kaming naghanda upang dagdagan pa at linangin ang kanilang kakayahan kung kanilang nanaisin upang magkaroon pa rin sila ng kita na ipangsusuporta sa kanilang mga pamilya,” sinabi ni Say.

 

Sinabi pa ng opisyal ng DOLE na lahat ng establisimiento, kumpanya, at employer ay dapat sumunod sa bagong kautusan maging sa general labor standards, partikular ang pagbibigay ng tamang pasuweldo at benepisyo.

 

Dagdag pa ni Say, ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho ay dapat na magtungo sa pinakamalapit na DOLE Office upang magpatala sa mga livelihood at skills training na ibinibigay ng kagawaran ng paggawa at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

Base aniya sa mga tala, sa kabila ng kawalan ng trabaho ng mga manggagawa, malaki pa rin ang kinakailangan na mga tauhan sa ibang mga sektor na siyang dapat punan, tulad ng sa Business Process Outsourcing (BPO), konstruksyon at imprastraktura, at sa healthcare sector.

 

“Nais naming bigyan sila ng trabaho at maging angkop pa rin sa ibang sector. Kung sakali mang magkaroon ng mga manggagawang mawawalan ng trabaho, mayroon tayong paglalaanan sa kanila. Gayunman, magdedepende ito sa kanilang kagustuhan at sigasig na matuto ng bagong mga kasanayan at kaalaman na iba na sa kanilang nakagawiang trabaho,” ayon kay Say.

 

Binanggit rin ni Say na ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho ay maaari ring mamasukan sa ibang bansa dahil patuloy na nakikipagtulungan ang DOLE sa pamahalaan ng Japan upang ma-draft na ang Technical Internship Program na inaasahang lilikha ng tinatayang nasa 35,000 trabaho.

 

“Kasalukuyan nang nakikipag-usap ang DOLE sa Japanese Government. Ngayon ay nag-draft na kami ng IRR at umaasa na sa agad na pagsisimula ng nasabing programa. Libo libo ang mga kailangang trabaho sa Japan, at nais nilang mga Pilipino ang magpuno ng mga nasabing puwesto,” dagdag pa ni Say.

 

Sinabi rin niya na ang DOLE ay bumubuo na rin ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Israel Delegation sa parehong kadahilanan upang tumanggap ng mga Filipino caregivers.

 

“Inaasahang nasa 200 Pinoy caregiver kada taon ang kakailanganin ng Israeli government at ang bilang na ito ay maaari pang tumaas sa mga susunod na taon lalo na kung lumaki pa ang kanilang pangangailangan. Nais nilang Pilipino rin ang kunin sa trabaho dahil sa naiiba nilang mga kalidad, kasanayan, at pagkamaalaga,” ayon kay Say na siya ring tumatayo bilang OIC ng POEA.

 

Nagbabala naman ang DOLE sa publiko laban sa mga tao at ahensyang may iligal na gawain higit lalo ang mga nag-aalok ng trabaho sa mga OFWs sa Japan at Israel.

 

“Pinaaalalahanan namin ang publiko. Iwasan nila ang mga taong nagbibigay sa kanila ng katiyakan ng regular na trabaho sa Japan at Israel. Sa ngayon, kasalukuyan pa rin itong pinag-uusapan. Mungkahi namin sa mga Pilipino na nagbabalak mamasukan sa ibang bansa na kumuha muna ng mga naaayong pagsasanay at sertipiko upang agad na maging kuwalipikado sa oras na magsimula na ang programa,” ayon kay Say.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry