Patuloy na nagtatagumpay ang labor department sa layunin na wakasan ang labor-only contracting at iba pang uri ng iligal na kasunduan sa pangongontrata, pahayag kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III.

 

Sinabi ni Bello na umabot na sa 45,605 manggagawa ang ginawang regular sa kampanya ng pamahalaan laban sa ‘endo’ mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2017.

“Tumaas ang bilang ng manggagawang naging regular matapos ang isinagawang pagsusuri at malawakang pagpapalaganap ng impormasyon laban sa kontraktuwalisasyon. Sa ating bagong department order na nagbabawal sa labor-only contracting at iba pang uri ng iligal na gawain sa pangongontrata, inaasahan namin na madaragdagan pa ang bilang ng manggagawang gagawing regular ngayong taon,” aniya.
Sinabi ng kalihim na 35,781 manggagawa na ang boluntaryong ginawang regular ng 1,322 employer samantalang may ilang employer ang tinapos ang empleo dahil sa walang kakayahan na gawing regular ang kanilang empleyado.

 

“Simula nitong Hulyo ng nakaraang taon, mahigpit na ipinatutupad ng DOLE ang batas at patakaran sa pangongontrata sa trabaho at agad din namang binibigyan ng DOLE ng tulong-pangkabuhayan o malilipatan ng trabaho ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa walang kakayahan ang ilang employer na gawin silang regular na manggagawa,” aniya.

 

Para mapagtibay ang gawain sa pagpapahinto ng mga iligal na gawain sa kontraktuwalisasyon, ipinalabas kamakailan ni Bello ang Department Order 174 sa Contracting at Subcontracting, at inatasan ang mga kinatawan ng grupo ng manggagawa na mag-inspeksiyon sa mga establisyamento upang matiyak na sumusunod sila sa bagong kautusan at sa mga umiiral na batas-paggawa at regulasyon.

“Naniniwala ako na mas marami pang manggagawa na nasa ilalim ng iligal na pangongontrata ang magiging regular na empleyado dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng bagong department order,” aniya.

Inatasan din ni labor secretary si Undersecretary Joel Maglunsod na pamunuan ang grupo na binubuo ng labor compliance officers at mga kinatawan mula sa manggagawa at employer na magsasagawa ng inspeksiyon sa mahigit na 90,000 establisyamento upang matiyak ang kanilang pagsunod sa pamantayan sa paggawa at sa mga umiiral na batas-paggawa.

 

END/ Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry