Hinikayat ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang lahat ng opisyal at kawani ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) na muling pagtibayin ang kanilang pangako na maglingkod para sa kagalingan ng manggagawang Filipino at tiyakin na napangangalagaan ang kanilang karapatan sa lugar-paggawa.

 

Ito ang panawagan ni Bello kasabay ng pagdiriwang ng ika-83 taon ng pagkakatatag ng Kagawaran sa gitna ng bagong pagsubok na kinakaharap nito sa pagtupad ng kanilang mandato na tiyakin na mayroong oportunidad sa empleo, disente at seguridad na paggawa, at tinatanggap ng lahat ng manggagawa ang tamang bahagi ng kanilang pagtatrabaho.

 

“Sa araw na ito, itinataas namin ang aming kamao sa Administrasyong Duterte bilang pagpapahayag ng aming pangako na paglingkuran ang manggagawang Filipino–para sa reporma sa sa paggawa at empleo at pagtataas ng karapatan at dignidad ng manggagawang Filipino,” aniya.

 

Sa temang, “Mahusay na Serbisyo para sa Masayang Mamamayan at Maunlad na Bayan,” nakatuon ang anibersaryo sa mga kawani at opisyal ng kagawaran.

 

“Ipinagdiriwang namin ang talino at malikhaing-isip ng aming mga kawani,” ani Bello, at kanyang binigyang-diin na ang mga kawani at opisyal ang susi sa pagpapalakas at pagbabago ng DOLE para sa higit na paglilingkod, tumutugon, may layunin at pananagutang institusyon.

 

Magtatakda ng mga gawain ang DOLE regional office, kasama ang mga kliyente at mga kasamang ahensiya, sa mga probinsiya. Kasama rito ang pagsasagawa ng job at trade fair; pagkilala sa mga naging kaakibat na ahensiya; fun run; paggawad ng tulong-pangkabuhayan sa mga benepisaryo; training at seminar sa pagnenegosyo; at serbisyo-caravan.

 

Sinabi ni Bello na ang mga gawain sa rehiyon ay upang bigyang-diin ang pagpupunyagi sa pagtataas ng kaalaman sa mahabang taon na pagbibigay ng naaayon at napapanahong serbisyo, at pagpapakita ng pinagsama-samang programa at serbisyo na mahalaga sa pag-unlad ng ating bansa, partikular sa pagtataas ng kalagayan ng manggagawang Filipino at kanilang pamilya.

 

Nagsimula bilang isang maliit na kawanihan noong 1908, naging isang Kagawaran ang DOLE noong Disyembre 8, 1933 sa bisa ng Commonwealth Act No. 4121. Ito ay pinangalanan bilang Ministry of Labor and Employment noong 1980, at muling pinangalanan bilang Department of Labor and Employment matapos ang 1986 EDSA Revolution.

 

Bilang pangunahing ahensiya, ito ay may mahalagang papel sa pagpapalakas sa kakayanan ng manggagawang Filipino. Nagbubuo ito ng mga polisiya, nagpapatupad ng mga programa at serbisyo, at kaagapay sa koordinasyon ukol sa polisiya sa sangay ng ehekutibo sa paggawa at empleo batay sa Executive Order 126 ng 1986 at sa mandato ng Labor Code.

 

Bilang pangunahing ahensiya na naatasan na ipatupad ang Magna Carta sa paggawa, itinataguyod ng DOLE ang kapaki-pakinabang na oportunidad sa trabaho, pagpapalakas sa yamang-pantao, pangangalaga sa mga manggagawa at kanilang pamilya, at pananatili ng industriyang kapayapaan.

 

Sa ngayon, ipinagmamalaki ng DOLE ang lima nitong kawanihan—Bureau of Local Employment, Bureau of Labor Relations, Bureau of Working Conditions, Bureau of Workers with Special Concerns, at International Labor Affairs Bureau; pitong tanggapan–Internal Audit Service, Planning Service, Human Resource Development Service, Administrative Service, Legal Service, Financial Management Service at Information and Publication Service; 16 regional office; at 12 ahensiya– Overseas Workers Welfare Administration; Philippine Overseas Employment Administration; Institute for Labor Studies; Professional Regulations Commission; National Wages and Productivity Commission; National Conciliation and Mediation Board; National Labor Relations Commission; Employees Compensation Commission; National Maritime Polytechnic; Occupational Safety and Health Center; Technical Education and Skills Development Authority; at National Reintegration Center for OFWs.

 

May 36 tanggapan sa Hong Kong; Macau; Tokyo; Osaka; Singapore; Kuala Lumpur; Brunei Darussalam; Taipei; Kaohsiung; Taichung; Korea; at Canberra sa Asia Pacific; Riyadh; Unaizah Central Region Office; Al Khobar; Jeddah; Abu Dhabi; Dubai; Bahrain; Kuwait; Lebanon; Libya; Qatar; Oman; Israel; at Jordan sa Middle East; Saipan; Washington; at Canada sa Americas and Trust Territories; Rome; Milan; Geneva; Madrid; Greece; Cyprus; at London sa Europe.

 

Binubuo ang DOLE ng 9,806 opisyal at kawani.

 

Bilang pangunahing institusyon ng pamahalaan, patuloy ang DOLE sa pagpapataas ng kalidad ng serbisyo sa kanilang kliyente na binubuo ng 41.2 milyong manggagawang Filipino; 3.62 milyon migranteng manggagawa sa 215 destinasyon sa buong mundo; manggagawa sa 782,980 establisyamento, kung saan 96 porsiyento ay mula sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

 

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry