Mas maraming manggagawa ang nakikinabang sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas-paggawa ng Department of Labor and Employment (DOLE), na pinatunayan ng isang contractual clerk sa Central Visayas, ang pinakahuling karagdagan sa listahan ng mga na-regular na empleyado sa pribadong sektor.

 

Ayon sa DOLE-Bureau of Working Conditions, nitong Mayo 12, 2017, may 49,222 manggagawa na ang naging regular sa pagsasagawa ng labor laws compliance consultations at assessments.

 

“Ang tagumpay ng DOLE sa kampanya nito na gawing regular ang mga manggagawa ay nagkaroon ng kahulugan kay Lesilda D. Crus ng Lahug, Cebu City, isang contractual sales clerk sa Christine International Philippines, Incorporated na sa wakas ay nakatanggap ng service incentive leave pay, at ang nararapat na minimum na sahod, ani DOLE 7 Regional Director Elias A. Cayanong, sa kanyang ulat kay Secretary Silvestre H. Bello III.

 

“Ang Service Incentive Leave Pay ay isang benepisyo sa empleyado kung saan maaari siyang lumiban sa trabaho nang may bayad sa loob ng limang araw, ito ay kung ang empleyado ay nakapagbigay ng serbisyo ng hindi bababa sa isang taon,” ani Cayanong.

 

Maliban sa pagbibigay sa money claim ni Cruz, idinagdag ni Cayanong na nagpahayag din ang employer na gagawin na nilang regular ang nasabing manggagawa.

 

Tinanggap ni Cruz ang kabuuang halaga na P26,945.00 para sa kanyang monetary claims sa ginanap na voluntary plant level restitution sa DOLE Regional Office, na sinaksihan ng mga kinatawan mula sa employer.

 

Si Cruz, edad 40, ay dating nasa empleo ng isang service provider simula nang siya ay magtrabaho. Ayon kay DOLE-7 Regional Director Cayanong, hindi dapat kinontrata ang serbisyo ni Cruz dahil ang kanyang gawain ay direktang may relasyon sa pangunahing operasyon ng principal na Christine International Philippines, Inc.

 

“Nakalulugod ang boluntaryong pakikipag-ayos ng employer sa apektadong manggagawa. Ang boluntaryong pagsunod ng mga establisyamento, katulad nang aking paulit-ulit na binibigyang-diin sa iba’t ibang pagtitipon, ay lubhang mahalaga at mas epektibo kaysa maghain ng kaso laban sa isa’t isa ang management at ang manggagawa,” ani DOLE-7 Regional Director Elias A. Cayanong.

 

Sa ulat ni Engineer Ray Martin G. Codiñera, ang labor laws compliance officer ng DOLE-7 na nagsagawa ng Joint Assessment, nakasaad na hindi nakatatanggap ang manggagawa ng service incentive leave (SIL) at ang nararapat na arawang minimum na sahod.

 

Ang Joint Assessment ay isang proseso upang suriin ang pagsunod sa batas-paggawa at iba pang patakaran na magkasamang isinasagawa ng labor laws compliance officer at ng mga kinatawan mula sa mga empleyado at employer.

 

Ayon kay Engineer Codiñera, isinumite ng employer sa DOLE ang appointment letter, payroll at proof of coverage and remittance ni Cruz sa SSS, PhilHealth, at PAG-IBIG.

 

Iniaatas sa Article 95 ng Labor Code na dapat magbigay ang employer sa kanilang empleyado ng taunang service incentive leave na limang araw na may bayad. Ang SIL ay ibinibigay sa manggagawa na nagtrabaho sa loob ng 12 buwan, ito man ay tuloy-tuloy o may putol, mula sa araw na siya ay mag-umpisa, kasama ang awtorisadong pagliban at bayad na regular holiday.

 

Sa pagbibigay sa manggagawa ng tamang sahod sa kanilang arawang minimum na sahod, sinabi ni Director Cayanong na ang minimum na sahod ang pinakamababang salary rate na iniaatas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWB) sa bawat rehiyon. Walang manggagawa, kanyang dagdag-pahayag, ang dapat tumanggap ng mas mababa sa iniatas na arawang minimum na sahod.

 

Ang pagtataguyod ng voluntary compliance gamit ang developmental approach, aniya, ay isang pamamaraan para sa kusang-pagsunod sa batas-paggawa; pagtiyak ng patas, mabilis, at murang pagsasaayos ng hindi-pagkakaunawaan, paghikayat sa maayos na kasunduan sa mga kasong paggawa; at pagpapatibay ng samahan sa pagitan ng manggagawa, employer at ng pamahalaan.

 

Sa ilalim ng Department Order 131-13 o ang Rules on Labor Laws Compliance System (LLCS), ang visitorial and enforcement power ng Secretary of Labor and Employment ay nanatiling pangunahing balangkas sa pagtiyak ng pagsunod sa batas-paggawa. Ang pagsasagawa ng Joint Assessment ay isa sa mga pamamaraan ng labor laws compliance officers ng DOLE upang suriin ang mga establisyamento sa pagsunod sa batas-paggagawa at iba pang mga alituntunin at patakaran.

 

END/LSenarlo-Taniza/GSR/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry