Malugod na iniulat ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanap-buhay ang resulta ng 2015 Global Gender Gap Index Report na nagpakita ng pag-angat ng Pilipinas ng dalawang antas sa gender equality, No. 7 sa 145 bansa sa buong mundo, at ang pananatili nito sa pinakamataas na antas sa Asia-Pacific region.

 

“Ito ay isang magandang sorpresa sa pagpasok ng bagong taon.  Ang Pilipinas ay tumaas sa ika-pitong antas mula pang-siyam noong nakaraang taon sa Global Gender Gap Index sa taong 2015. Tanging Pilipinas at New Zealand lamang sa mga bansa sa Asia-Pacific ang pumasok sa top 10,” ani Baldoz.

 

Mula 2006, ang Pilipinas ay patuloy na nanatili sa top 10 global ranking ng Global Gender Gap Index ng World Economic Forum (WEF), isang report tungkol sa resulta ng pag-aaral na ginawa sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan batay sa apat na pangunahing pamantayan:  health and survival; educational attainment; economic participation; at political empowerment.

 

Binibigyan ng 2015 Global Gender Gap Index ng marka ang 145 ekonomiya ayon sa kanilang mga ipinatupad na gawain upang itaas ang kasanayan at kakayahan ng mga kababaihan, at nagpakita ng pagbabago sa buong mundo kaugnay sa 109 bansa na patuloy na binabantayan batay sa kanilang mga ginawa at kanilang ugnayan at relasyon sa bawat isa.

 

Sa ilalim ng economic participation and opportunity pillar, ang Pilipinas ay nanguna sa mga bansang mas marami ang propesyonal at teknikal na manggagawa, na may proporsyon na 63 kababaihan sa 37 kalalakihan.  Pang-sampu naman ito sa pagkakapantay sa sahod (wage equality) para sa parehong pamantayan sa trabaho (work indicator), na may puntos na 0.80 porsiyento.

“Ang Pilipinas ngayon ang pangatlo sa pinakamataas sa mga bansa sa Asya, kasunod ng Singapore at Lao PDR sa ilalim ng parehong pillar,” batay sa ulat.

 

Subalit, naiiwan naman ang Pilipinas sa labor force participation indicator na may antas na pang-107 at puntos na 0.65, o may proporsyon na 53 kababaihan sa 81 kalalakihan.

 

Makikita din sa ulat ng WEF ang bilang ng kababaihan sa wage employment ng bansa sa non-agricultural sector ay 41 porsiyento lamang, samantalang 45 porsiyento lamang ang sa informal economy.

 

Nakasaad din sa ulat na nakitaan ng makahulugang pagbabago ang Pilipinas sa bahagi ng political empowerment dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kababaihang opisyal ng pamahalaan.  Nabanggit din sa ulat na nagsara na ang health and survival gender gap, samantalang bahagya namang lumaki ang educational attainment gender gap.

 

Batay sa WEF report, 79 gender gaps ang naisara ng Pilipinas, pinakamalaki sa mga bansa sa Asya.

 

Nanatili naman ang Iceland bilang “most gender-equal country” na naitala ngayong taon, kasunod ang Norway, Finland, Sweden at Ireland. Pang-anim ang Rwanda, sinundan ng Pilipinas sa pampitong antas. Ang Switzerland, Slovenia, at New Zealand naman ang bumuo sa top 10 sa buong mundo.

 

Sa mga bansa sa Asia and the Pacific na pumasok sa top 10, maliban sa Pilipinas at New Zealand, ay ang Australia, Lao PDR, Singapore, Mongolia, Thailand, Bangladesh, Vietnam at Sri Lanka. Ang iba pang bansa sa Asia Pacific ay nasa ika-30 antas pababa sa global index.

 

END/GMEArce

 

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry