Tiniyak ng Department of Labor and Employment noong nakaraang Biyernes na magkakaroon ng regular na dayalogo at konsultasyon sa iba’t ibang grupo ng manggagawa upang pakinggan at tugunan ang kanilang mga suliranin sa trabaho.

Nagpalabas ng pahayag si Labor Undersecretary Joel Maglunsod matapos magsagawa ng piket ang miyembro ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), Gabriela, at Kilusang Mayo Uno sa tanggapan ng DOLE.

“Ang labor department, batay sa direktiba ni Presidente Rodrigo Duterte, ay magsasagawa ng regular na dayalogo sa mga grupo ng manggagawa.  Aming pakikinggan ang inyong mga hinaing at magkasama tayong magtataguyod ng maunlad na komunidad na may maayos na relasyon sa pagitan ng manggagawa at mamumuhunan.  Makakasiguro kayo na laging handa ang DOLE na makinig kasabay ng aming pagpupunyagi na ipaglaban ang karapatan at dignidad ng mga manggagawa,” ani Maglunsod.

Nagpoprotesta ang militanteng grupo sa kanilang kahilingan sa labor department na agad lagdaan ang Department Order na magwawakas sa lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon at mahigpit na ipatupad ang regularisasyon ng mga manggagawa.

Sinabi ni Maglunsod na simula pa noong nakaraang taon, ang lahat opisyal ng DOLE ay nagsusumikap upang tapusin ang order at ang konsultasyon sa iba’t ibang grupo ng manggagawa, gayundin ang sektor ng mamumuhunan, upang alamin ang kanilang pananaw para magkaroon ng pantay na benepisyo ang D.O.

Pinapurihan din ni Maglunsond ang pagkakaisa ng grupo ng kababaihan sa mapayapang pagtitipon upang ihain ang kanilang mga suliranin at kaniyang hinimok ang mga ito na magtalaga ng kinatawan upang direktang maipaabot ang suliranin ng mga kababaihang manggagawa sa labor department.

“Kailangan tayong magkaisa at ipagpatuloy ang pakikipaglaban ng ating karapatan.  Sinabi ni Presidente Duterte na kailangan tayong mag-usap kahit isang beses kada tatlong buwan.   Ang inyong kinatawan ang regular na makikipag-ugnayan sa DOLE.  Gagawin namin sa abot ng aming makakaya at batay sa itinakda ng batas upang ipatupad ang patakaran sa paggawa at itulak ang regularisasyon ng manggagawang Pilipino,” aniya.

END/PaulAng/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry