Upang mas mapabilis at maging epektibo ang paghahatid ng serbisyo ng DOLE, inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng Regional Directors na magbukas ng ‘DOLE Clinics’ sa mga Public Employment Service Offices (PESO) sa mga local government unit (LGUs) sa buong bansa.
Ang ‘DOLE Clinic’ ay isang mekanismo upang mas ilapit ang DOLE sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng pre-employment facilitation, labor standards enforcement, dispute resolution, at tulong pangkabuhayan.

 

“Ito ang magiging sentro ng serbisyo publiko ng DOLE hanggang sa lebel ng mga komunidad. Magbibigay ito ng impormasyon, serbisyo, at tulong sa iba’t ibang sangay at ahensya sa mga isyu sa trabaho sa lokal at ibang bansa, mga benepisyo sa ilalim ng general labor standards at occupational safety and health standards, labor relations, at tulong pangkabuhayan,” ayon kay Bello.

 

Sinabi pa ng kalihim na ang lahat ng kagawaran at ahensya ng DOLE ay inaatasang magbigay ng mga kinakailangang information, education and communications materials na naaayon sa kanilang kakayahan at mandato sa mga nasasakupan nitong lugar upang umagapay at tumulong sa DOLE community outreach program.

 

“Lahat ng mga Regional Director ay dapat na siguruhin na ang mga materyales sa Labor and Employment Education Services (LEES) ay nakahanda at madaling makuha ng publiko sa mga LGU sa pamamagitan ng PESO,” dagdag pa ni Bello.
Kasunod ng pagtatayo ng community service program, ang mga DOLE regional offices, bureaus, at agencies ay magsasagawa ng one-day forum sa mga isyu sa labor and employment ng isang beses kada buwan at makikipagtulungan sa mga LGU.

Ang komite ng DOLE Clinic ay pangungunahan bilang Chairman ni Undersecretary Joel Maglunsod, habang co-chairman naman niya ay si Undersecretary Bernard P. Olalia. Sila ang bubuo ng detalyadong panuntunan sa mga ‘clinic’ at ihahanay ito sa mga aktibidad ng regional offices ng DOLE.

 

Ang mga miyembro ng komite ay ang Chairperson ng National Labor Relations Commission, mga Administrator ng Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration, ang Executive Director ng National Conciliation and Mediation Board, at mga Direktor ng Bureau of Working Conditions, Bureau of Labor Relations, Bureau of Local Employment, Bureau of Workers with Special Concerns, kasama ang Administrative Service bilang secretariat.

 

### GSR/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry