Nagsagawa ng revamp sa mga agencies at regional offices ng Department of Labor and Employment si Secretary Silvestre H. Bello III para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programa at maayos na pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

 

“Kailangan natin itong ipatupad para sa mas epektibo, matipid, at alinsunod sa ipinatutupad na polisiya at programa para sa mas maayos na pagbibigay ng serbisyo sa pangangailangan ng mga manggagawa at agad na pagtugon sa mga isyu at usapin,” ani Bello.

 

Batay sa Administrative Order No. 41, itinalaga si Undersecretary Joel B. Maglunsod bilang pinuno ng Labor Relations and Special Concerns Cluster, na siyang mangangasiwa sa policy at programs operation ng Bureau of Labor Relations (BLR), Bureau of Working Conditions (BWC), Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) at National Conciliation and Mediation Board (NCMB).

Susuportahan ni Assistant Secretary Ma. Gloria A. Tango si Undersecretary Maglunsod sa pamamahala sa mga bureau at pagrerepaso sa mga kautusan mula sa mga conciliation and mediation case na kinakailangan ng aksiyon ng Secretary.

Ang Workers Welfare and Protection, Human Resources, at Financial Services Cluster ay pamumunuan ni Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III. Siya ang may responsibilidad sa policy program coordination ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), Employees’ Compensation Commission (ECC), at Occupational Safety and Health Center (OSHC).

Sa tulong ni Assistant Secretary Amuerfina R. Reyes, inatasan din si Lagunzad na pangasiwaan ang human resources at financial affairs ng DOLE, gayundin ang pamamahala sa internal auditing services ng department.
Pamumunuan ni Undersecretary Dominador R. Say ang Employment and Policy Support Cluster, kasama si Assistant Secretary Alex V. Avila.

Nasa ilalim ng pangangasiwa ni Undersecretary Say ang Bureau of Local Employment (BLE), Institute for Labor Studies (ILS) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Nasa ilalim din ng pangangasiwa ni Undersecretary Say ang Planning Service at Information and Publication Service.

Karagdagan dito, naatasan din si Assistant Secretary Avila na umagapay sa mga cluster head sa pagtupad ng kanilang tungkulin na may kaugnayan sa pagbubuo ng plano at polisiya, at ang pagtitiyak na ang lahat ng polisiya ay nakaugnay sa eight-point labor and employment agenda.

Ang Human Capital Development and Regional Operations Cluster ay pamumunuan ni Undersecretary Bernard P. Olalia. Kanyang pamamahalaan ang policy and program coordination ng Professional Regulations Commission (PRC), National Wages and Productivity Commission (NWPC) at National Maritime Polytechnic (NMP).

Tutulungan si Undersecretary Olalia ni Assistant Secretary Federico V. Abuan Jr., sa pangangasiwa sa cluster, kabilang ang pamamahala sa DOLE Regional Offices.

Ang Legal, Legislative and International Affairs cluster ng DOLE ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni Undersecretary Claro A. Arellano. Bahagi ng kanyang tungkulin ang policy and program coordination ng National Labor Relations Commission (NLRC), gayundin ang operations ng International Labor Affairs Bureau (ILAB), kasama ang lahat ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs).

Si Assistant Secretary Ma. Joji V. Aragon ang naatasang umagapay kay Undersecretary Arellano sa pagtupad ng kanyang tungkulin, gayundin ang pangangasiwa sa Legal Service, Department Legislative Liason Office (DLLO) at ang International Labor Affairs Bureau (ILAB).
Dagdag pa dito, aagapay naman si Assistant Secretary Mariano R. Alquiza kay Undersecretary Arellano sa general works/services, infrastructure o building concerns at iba pang kaugnay na serbisyo.

Ang pangangasiwa sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay inilipat sa pangangasiwa ng Office of the Cabinet Secretary sa bisa ng Office of the President Executive Order No.1.

 

Gayunpaman, mananatili ang labor secretary bilang chairperson ng TESDA Board batay sa Republic Act No. 7796 o ang TESDA Act of 1994.

 

END/ADV/GME Arce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry