Ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa DOLE regional office na madaliang magpadala ng Quick Response Team (QRT) kaugnay ng naganap na aksidente ng bus sa Tanay, Rizal na nagresulta sa pagkamatay ng 14 katao kabilang ang drayber nito.

Inatasan ni Bello si DOLE Regional Office 4-A Director Zenaida Campita, maging ang RO National Capital Region (NCR) na puntahan ang kumpanya, tingnan ang sitwasyon, at magpadala ng QR Team upang mabatid kung ang kumpanya ng tour at may-ari ng naaksidenteng bus ay mahigpit na sumunod o lumabag sa occupational safety and health standards.

“Ipinaabot namin ang simpatya at pakikiramay sa pamilya ng mga biktima. Tinitiyak namin na ang labor department ay gagawin ang parte nito sa ilalim ng batas at matulungan ang mga biktima ng hindi inaasahang aksidenteng ito,” wika ni Bello.

Dinagdag pa niya na liban sa pagtukoy kung sumunod sa panuntunan ng occupational safety and health standards, ang Employees Compensation Commission (ECC) naman ay mamamahala upang masiguro na lahat ng mga tauhan o manggagawa ng tour at bus company ay makatatanggap ng patas at karampatang tulong at benepisyo.

Isang Department Order noong 2012 ang inilabas na nag-uutos sa mga kumpanya ng transportasyon na siguruhin ang kanilang panuntunan sa road transport safety sa pamamagitan ng paglinang ng kanilang pinapasukan at kumpanya tulad ng kompensasyon o sweldo, at kasanayan ng mga drayber ng bus at kundoktor. Naglalayon rin itong maibsan ang pagkakaroon ng mga paglabag sa batas trapiko at iba pang aksidente sa mga sasakyan para na rin sa kanilang ikauunlad.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry