Sinertipikahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Philippine National Bank bilang isang institusyon na labor compliant, matapos nitong pumasa sa mga kinakailangan na pamantayan sa paggawa at ligtas at malusog na manggagawa. Ang PNB ang unang bangko na nakatanggap ng sertipikasyon.

 

Sa isang simpleng seremonya nitong linggo, iginawad ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang compliance certificate kay PNB Chair Lucio C. Tan, na sinaksihan ng mga matatas na opisyal ng bangko, bilang pagpapatunay sa pagsunod ng bangko sa mga itinakdang batas-paggawa.

 

“Binabati ko ang PNB sa makahulugang araw na ito. Ito ay isang matibay na patunay na isinasakatuparan ng pangunahing institusyon ng bangko ang kanilang corporate values na mapagkakatiwalaan, may kakayahang umayon sa pagbabago, at ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang kakayahan,” pahayag ni Bello sa mga opisyal at bisita sa seremonyang ginanap sa Century Park Hotel sa Manila.

 

Iginawad ang sertipikasyon sa PNB matapos itong pumasa sa joint assessment na ginawa ng labor inspection team noong Hulyo ng nakaraang taon. Ang certificate of compliance ay may balido ng dalawang taon maliban na lamang kung ipapawalang-bisa ng labor department.

 

Sa parehong okasyon, inihayag din ng PNB ang Seal of Compliance Mark bilang tanda ng kanilang pagtanggap ng sertipikasyon at bilang unang bangko na sinertipikahan ng DOLE na sumusunod sa batas-paggawa.

 

Sa kanyang paggawad ng sertipikasyon, nanawagan din si Bello sa pamunuan ng Philippine Airlines, ang sister company ng PNB, na sumunod at ipatupad ang patas na pagtrato sa manggagawa at igalang ang kanilang karapatan batay sa pagpapatupad ng Department Order 174 na nagbabawal sa iligal na uri ng contracting at subcontracting.

 

“Mas makakabuti kung mabigyan ng DOLE ang PAL ng  certificate of compliance nang sa gayon sila rin ay maging huwaran at manguna bilang labor compliant sa airline industry,” ani Bello.

 

Samantala, umaasa ang kalihim na mas marami pa ang mabibigyan ng certificate of compliance sa iba pang pangunahing banko at iba pang kompanya sa bansa.

 

“Mas mahalaga sa amin na magtatag ng tumutugon at makatarungan polisiya, batas, at panuntunan sa paggawa kasabay ng pagtatanggol sa karapatan ng employer para sa wastong paglago ng kanilang puhunan at pag-unlad ng kanilang kompanya.  Hangarin ko na mas marami pang kompanya ang lubos na susunod sa batas-paggawa,” dagdag niya.

 

#Paul Ang/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry