Naglabas na ng pinal na desisyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) upang iregular ang aabot sa 8,000 kontraktuwal na manggagawa at bayaran ang P66 milyong pisong hindi binayarang mga benepisyo.

Hindi pinayagan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang apela ng PLDT na mabaligtad ang naunang inilabas na compliance order ng NCR Regional Office noong nakaraang taon na gawing regular ang mga empleyado nito habang ang mga kontraktor naman ay inatasang magbayad ng P66,348,368.88 na monetary claims ng mga manggagawa.

Sinabi ni Bello noong nakaraang linggo na no merit o walang basehan upang baguhin ng DOLE ang naunang desisyon ng NCR regional office nito.

Kasabay ng pagtukoy bilang mga kumpanya na sangkot sa labor-only contracting, inatasan ng DOLE ang PLDT na iregular ang mga manggagawa mula sa Activeone Health Inc., Archon Consulting and System Services Inc., BBS-VP-VPN Allied Services Corporation, Consultancy, Outsourcing, Recovery and Equivalent Services (CORES) Inc., El Grande Messengerial Services Inc., Hibizcom Corp., JFM Installation & Telecom Services Inc., at M.D. Tambungui Specialists (MDTS) Inc.

Kasama rin sa kautusang ito ang MG Exeo Network, Occupational Dental Health Care and Services, PC Tech, Pointman Placement Specialist, Proserve Multi Resources Specialists Inc., Searchers and Staffers Corporation; SPi CRM Inc., Unison Computer System Inc., at ang Upsight Construction Inc.

Liban naman sa pagkakatukoy bilang mga kumpanya na nagsasagawa ng labor-only contracting, ang mga kumpanyang AE Research Exponents Inc., Aremay Enterprise, Best Option Assistance Inc., Centennial Technologies & Marketing Corporation, Comworks Inc., Consolidated Management Resources, Curo Teknika Inc., Diars Assistance Inc., Goodline Staffers and Allied Service Inc., at Implicare International Management Resources Inc., ay inuutusan namang bayaran ang monetary claims ng mga manggagawa na may kabuuang P28,446,139.14.

Dagdag pa rito, ang Information Professionals Inc., Iplus Intelligent Network Inc., LBP Service Corporation, Meralco Industrial Engineering Services Corporation, Pro Tek Telecoms Support Inc., Serveflex Inc., Sitetel Marketing, Software Laboratories Inc., Tejo Management Services Inc., Transbio Incorporated, Trends and Technologies Service Maintenance Inc., at We Support Inc. naman ay inutusang magbayad ng monetary claims na nagkakahalaga ng P37,901,866.27.

Karamihan sa mga kumpanya na tinukoy bilang mga labor-only contractor ay napatunayang iligal na nagbabawas sa suweldo, hindi nagbibigay o sumusunod sa minimum wage at 13th month law, at tumangging bigyan ng service incentive benefits ang kanilang mga manggagawa na malinaw na nakasaad sa Labor Code.

Inatasan sila ng Kagawaran ng Paggawa na tuluyang ihinto ang pagsasagawa ng pangongontrata habang ang kanilang mga registration ay kinansela na.

Sa kabilang dako, idineklara naman ng DOLE ang Customer Frontline Solutions Inc., Pro Tek Telecoms Support Inc., SL Temps; St. Clair Security and Investigation Inc., at Trigold Security & Investigation Agency Incorporated bilang mga legitimate contractors. Sila ay agad ring sumunod sa kautusan ng DOLE na bayaran ang mga unpaid monetary claims, suweldo at benepisyo ng kanilang mga empleyado.

 

#PaulAng

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry