Makatatanggap ng mas mabilis at pinaigting na tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa na biglaang nawalan ng trabaho.

Sa isang administrative order, bumuo si Labor Secretary Silvestre Bello III ng technical working group para magbalangkas ng mabilis na pagbibigay ng tulong sa sa mga manggagawang biglaang nawalan ng trabaho.

“Nais nating matiyak na ang mga programa, polisiya, at mekanismo ng DOLE ay mabisa at epektibong nakapagbibigay ng tulong na kinakailangan ng ating mga manggagawang nawalan ng trabaho, maging ng mga interbensyon na naka angkla sa social protection,” wika ni Bello sa nasabing kautusan.

Ilan sa mga pangunahing tungkulin ng grupo ay magsagawa ng pagsusuri sa implementasyon ng mga programa, polisiya, at mekanismo ng DOLE at upang ma-monitor ang mga manggagawang nawalan ng trabaho at agaran silang maabot ng tulong mula sa kagawaran.

Naatasan rin ang grupo na maghanda ng mga polisiya at programa na kinakailangan upang tugunan ang mga nakitang problema sa pagpapaabot ng agarang tulong sa manggagawa.

Pangungunahan ng Undersecretary for Employment, Legal, International and Media Affairs ang nasabing grupo habang co-chair naman ang mga Assistant Secretary.

Kabilang sa mga miyembro ng grupo ay ang Bureau of Labor Relations, Bureau of Local and Employment, Bureau of Working Conditions, Bureau of Workers with Special Concerns, at International Labor Affairs Bureau.

Katuwang rin ng grupo ang Employees Compensation Commission, Institute for Labor Studies, National Conciliation and Mediation Board, National Reintegration Center for OFWs, Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Overseas Employment Administration, at ang DOLE Financial and Management Service.

Ang pagbuo sa naturang grupo ay alinsunod sa agenda ng DOLE na magbigay ng trabaho at pagkakataon na magkaroon ng iba pang oportunidad ang mga Pilipinong manggagawa.

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry