Nakipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ABS-CBN upang maipalabas sa telebisyon ang PhilJobNet, ang online job search at skills matching portal ng pamahalaan, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

 

Ayon kay Bello, ang naturang pagtutulungan ay lumikha ng proyektong “TrabaHANAP”, kung saan ang mga nangungunang bakanteng trabaho na nakalathala sa PhilJobNet ay maipapakita na partikular sa pagtatapos ng bawat pelikula na ipinalalabas sa Cine Mo! Channel ng ABS-CBN.

 

“Ang aming pagtutulungan ay aagapay sa inisyatibo ng pamahalaan na ilapit pa ang iba’t-ibang oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho,” sinabi ni Bello.

 

Sa ilalim ng pagtutulungan, ilalathala rin ng ABS-CBN ang PhilJobNet sa Facebook page ng Cine Mo!.

 

Magbibigay rin ang nasabing kumpanya ng sponsorship para sa promosyon at coverage ng mga aktibidad ng DOLE tulad ng Labor at Independence Day Job Fair at iba pang mahahalagang aktibidad sa nasabing channel ng telebisyon sa pamamagitan ng public advisory at anunsyo.

 

Magiging official media partner na rin ng DOLE ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pagbibigay ng natatanging imbitasyon at pahintulot na ma-cover ang mga aktibidad ng DOLE.

 

Magkatuwang na inilunsad ng DOLE-Bureau of Local Employment (BLE) at ABS-CBN ang ‘’TrabaHANAP” sa bisa ng pagpirma sa Memorandum of Understanding (MOU) sa ginanap na pagdiriwang ng Labor Day sa Davao City. Ang nasabing proyekto rin ay iaanunsyo sa mga aktibidad tulad ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12 at sa Anibersaryo ng DOLE sa Disyembre 8, 2017.

 

Ang PhilJobNet ng DOLE ay isang online na job at applicant matching system na naglalayong makapagbigay ng trabaho na naaayon sa kakayahan at kuwalipikasyon ng mga jobseeker para sa mga bakanteng trabaho at labor market na inilalathala ng mga employer.

 

Maaari itong makita sa www.philjobnet.gov.ph. Ito ay parehong user-friendly sa mga kliyente o jobseeker at employer. Ang iba pang tampok na kakayahan nito ay maglagay ng magkahiwalay na login para sa employer at jobseekers; paglalathala ng mga trabaho na para sa mga kababaihan, high school graduate, differently abled persons at mga manggagawa na nawalan ng trabaho; career information page; talent map tool; diskripsyon ng bakanteng trabaho; at link sa social media.

 

Para sa mga naghahanap ng trabaho, maaari nilang ipasok sa PhilJobNet ang kanilang accounts sa Facebook at LinkedIn sa oras na mag-log in sila sa nasabing online job matching site. Maaari ring makapag-upload ang mga employer ng certificates at license nito at makatanggap ng mga notipikasyon, o alerto sa email para sa mga update sa trabaho at iba pang anunsyo.

 

Mayroon rin itong naiibang feature para sa mga employer tulad ng applicant tracking at monitoring tool, synchronized calendars para sa employer at jobseeker, at kakayahang mamili at makakuha ng premium service tulad ng SMS at e-mail blast, resume search at paglalathala ng mga priority jobs.

 

Maaari ring makita ang PhilJobNet sa pamamagitan ng mga Job Search Kiosk na matatagpuan sa piling mga paaralan, Public Employment Service Offices (PESO) sa bansa, at regional at field office ng DOLE.

 

Ang Job Search Kiosk ng DOLE ay ang information portal na nakapaloob sa isang ATM-type, stand-alone labor market information system na may kapasidad para sa employment facilitation tulad ng paghahanap ng trabaho at pasilidad para sa skills matching.

 

END/Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry