Nilagdaan kamakailan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Implementing Rules and Regulations o Department Order No. 175 para sa maayos at epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 10917 o ang inamyendahang Special Program for Employment of Students (SPES).

 

Ang SPES ay isa sa mga programang pangkabataan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naglalayong bigyan ang mga benepisaryo ng oportunidad na makapag-trabaho tuwing bakasyon at/o tuwing Pasko o anumang panahon para matulungan silang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa alinmang sekondarya, kolehiyo o technical-vocational institution.

 

Sa inamyendahang batas ng SPES, itinaas ang kwalipikadong edad ng aplikante mula 15 hanggang 25 taon ng 15 hanggang 30 taon, batay sa petsa ng kanilang aplikasyon.

Pinalawak din ang programa hindi lamang sa mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante kundi pati na rin sa mga out-of-school youth o mga hindi naka-enrol sa pormal na edukasyon o sa alinmang training institution; at sa mga dependent na estudyante o out-of-school youth ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng negosyo, pagpapatigil ng trabaho, o dahil sa kalamidad.

 

Isa pa sa inamyendahan sa batas ng SPES ay ang pagpapahaba sa panahon ng pag-empleo. Mula sa dating 20 hanggang 52 araw, ang benepisaryo ng SPES ay maaari nang magtrabaho mula 20 hanggang 78 araw; maliban sa panahon ng bakasyon tuwing Pasko kung saan ang trabaho ay mula 10 hanggang 15 araw lamang.

 

May katumbas na academic at practicum o on-the-job training credit ang serbisyong ibinigay ng benepisaryo sa panahon ng pag-empleo kung ito ay may kaugnayan sa kanyang kurso ayon sa pagpapasiya ng ahensiya ng pamahalaan; samantalang ang panahon ng pag-empleo ng benepisaryo ng SPES na kalaunan ay kukuning empleyado ng parehong employer ay magiging bahagi na rin ng kanyang probationary period.

Bilang kabayaran, 60 porsiyento ng sahod ng estudyanteng benepisaryo ay manggagaling sa employer (pribado o pampubliko) samantalang ang natitirang 40 porsiyento ay sasagutin ng pamahalaan.

 

Para sa mga low-income local government units, maaari silang mag-sumite ng liham sa DOLE regional director upang hilingin na sagutin ng DOLE ang malaking bahagi ng sahod ng benepisaryo ng SPES batay sa mga sumusunod na pamamaraan:  hanggang 75 porsiyentong bahagi para sa 6th class municipality; hanggang 60 porsiyento para sa 5th class municipality; at hanggang 50 porsiyentong bahagi para sa 4th class municipality o 6th class province.

 

Makakatanggap din ng insurance coverage ang benepisaryo ng SPES sa ilalim ng Group Personal Accident Insurance ng Government Service Insurance System (GSIS) sa loob ng isang taon.

 

Nilagdaan ni Secretary Bello noong Marso 20, magkakabisa ang IRR 15 araw matapos itong ipalathala sa dalawamg pahayagan o sa Official Gazette.

 

END/ALDM (with reports from BLE)/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry