Inilabas kahapon ng Department of Labor and Employment ang bagong patakaran sa pagbibigay ng work permit para sa pagtatrabaho ng kabataan sa public entertainment o information-related project.

Ang public entertainment o information sa ilalim ng Department Order No. 65-04 ay tinutukoy bilang “Artistic, literary, and cultural performances for television show, radio program, cinema or film, theater, commercial advertisement, public relations activities or campaigns, print materials, internet and other media’”.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9231, ang kabataang may edad 15 pababa ay hindi pinapayagang magtrabaho sa anumang pampubliko o pribadong establisyamento maliban na lamang kung sila ay direktang magtatrabaho sa ilalim ng pangangalaga ng kanilang magulang o guardian o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa pampublikong entertainment o pampublikong impormasyon.

Sa alinmang eksepsyon, kinakailangan munang kumuha ng working child permit sa DOLE ang employer, magulang o guardian bago kunin ang serbisyo ng bata.

Sa Department Circular No. 2, kinakailangan ang Working Child kung ang bata ay magtatrabaho sa public entertainment o information, ito man ay pang-lokal o sa ibang bansa, at kahit ano pa man ang magiging bahagi ng bata sa proyekto.

Kinakailangan din ng permit kung ang bata ay itatampok sa dokumentaryo maliban na lamang kung ito ay school-related project; at kukunin ang serbisyo bilang regular extra kasama ng maraming tao at kabilang sa script o storyboard.

Kinakailangan din ang nasabing permit para sa banyagang-bata na kukunin ang serbisyo para sa public entertainment sa Pilipinas.

Nililimitahan ng RA 9231 ang oras ng pagtatrabaho ng bata nang hindi hihigit sa apat na oras bawat araw at hindi hihigit ng mahigit 20 oras sa loob ng isang linggo. Hindi rin pinapayagang magtrabaho ang bata sa pagitan ng 8:00n.g. hanggang 6:00n.u. ng sumunod na araw.

Sa ilalim ng DO 65-04, ang aplikasyon para sa Working Child Permit ay dapat isumite ng employer, magulang o legal guardian sa DOLE Field Offices (FOs) na may hurisdiksyon sa lugar na pagtatrabahuhan ng bata tatlong araw bago ang shooting, taping, at event.

Kailangan ding nakasaad sa kontrata ng employer ang pagsunod sa batas na pumuprotekta sa mga bata.

Kinakailangan magsagawa ang DOLE Regional/Provincial/Field Office ng orientation sa mga magulang o guardian at employer tungkol sa mga mahahalagang bahagi ng Republic Act No. 9231 bago nila ibigay ang Working Child Permit.

Ang bisa ng permit ay batay sa employment contract at hindi maaaring lumampas ng isang taon.

Ang patakaran, na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III noong Oktubre 30, ay magkakaroon ng bisa sa Enero 1, 2018.

 

END/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
21