Itinakda ng labor department ang patakaran para sa implementasyon ng Adjustment Measures Program (AMP) para sa mga manggagawa sa pormal na sektor na naapektuhan ng rehabilitasyon ng Boracay.

Nilalayon ng Department Order No. 191 na makatulong sa sitwasyon ng mga apektadong manggagawa sa pormal na sektor ang AMP sa ilalim ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP), ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Ang BEEP AMP ay isang safety net program na nagbibigay sa mga manggagawa sa pormal na sektor ng integrated at comprehensive package assistance tulad ng tulong-pinansiyal, employment facilitation, at training.

Ang mga apektadong manggagawa ay makatatanggap ng tulong-pinansiyal na may katumbas na 50 porsiyento ng kasalukuyang minimum na sahod sa Region VI, o P4,205.50, at ito ay buwanang ibibigay sa loob ng anim na buwan lamang.

Para sa mga manggagawang hindi inalis sa trabaho ngunit hindi nakatatanggap ng regular na sahod, ang halaga ng tulong-pinansiyal ay may katumbas na 25 porsiyento ng kasalukuyang minimum na sahod sa Region VI, o P2,102.75, at ito ay walang kondisyon at buo itong ibibigay para sa tatlong buwan

Samantala, sa ilalim ng employment facilitation component, isasangguni ng kinauukulang DOLE regional office ang benepisaryo sa pinakamalapit na Public Employment Service Office (PESO) para sa paghahanap ng trabaho.

Bibigyan ng oportunidad ang mga apektadong manggagawa na makahanap ng trabaho na naayon sa kanilang kwalipikasyon sa pamamagitan ng job matching, referral, at placement services, para sa lokal na trabaho o sa ibang bansa, employment coaching, at labor market information.

Sa kabilang banda, nilalayon naman ng training component na mabigyan ang mga apektadong manggagawa ng naayong pagsasanay upang maitaas ang kanilang kasanayan, at pagkakataong makakuha ng trabaho, na ibinibigay ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Upang maging kwalipikado sa programa, kinakailangan na ang aplikante ng BEEP AMP ay nagtatrabaho sa Boracay Island at sa iba pang bahagi ng Malay, Aklan.

Dapat din na ang manggagawa na ang trabaho ay naantala sa panahon ng pansamantalang pagsasara at 30 araw bago ito ipinatupad o iyong hindi tumatanggap ng regular na sahod dahil sa pansamantalang pagsuspinde, permanenteng pagtigil ng operasyon, o permanenteng pagsasara ng negosyo ng kanilang employer.

Maaaring isumite ng mga interesadong aplikante ang BEEP AMP Application Form; kopya ng certificate of employment; kopya ng alinmang ID na inisyu ng pamahalaan; at patunay ng Land Bank of the Philippines account sa BEEP Operations Center-DOLE Satellite Desk, DOLE Regional Office VI, o sa alinmang Field Office nito.

Para sa mga apektadong manggagawa na bumalik na sa kanilang sariling bayan, maaari nilang isumite ang kanilang aplikasyon sa pinakamalapit na DOLE Regional/Field/Satellite Office.

Kapag inaprobahan na ng DOLE Regional Director ang aplikasyon at natanggap na ng benepisaryo ang Notice of Approval, idedeposito ng kinauukulang DOLE Regional Office ang first tranche ng tulong-pinansiyal direkta sa Land Bank of the Phillippines account ng benepisaryo sa katapusan ng reference month.

Tuwing ika-15 araw ng bawat buwan, o ang kasunod na working day kung ang nasabing araw ay tumapat ng holiday o non-working day, isusumite ng benepisaryo ang kanilang Beneficiary Progress Report sa BEEP Operations Center-DOLE Satellite Desk, DOLE Regional Office, o sa alinmang Field/Satellite Office

Upang patuloy silang makatanggap ng tulong-pinansiyal, kailangang magpakita ang benepisaryo ng patunay ng dalawang aktibong paghahanap ng trabaho sa loob ng isang buwan; patunay ng paglahok sa anumang pagsasanay na ipinatutupad ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa una at apat na buwan ng pagtanggap ng tulong-pinansiyal.

Ang mga benepisaryo na nakatanggap ng buong anim o tatlong buwan na tulong-pinansiyal, o nakahanap ng full-time wage employment bago matapos ang programa ay tinuturing na nakumpleto ang BEEP AMP.

END/aldm/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2