Nag-alay ng isang testimonial dinner ang Department of Labor and Employment (DOLE) bilang parangal para sa 20 bagong abogado ng kagawaran na kabilang sa 3,747 na pumasa sa 2016 Bar Examinations.

 

“Ipinagmamalaki ko ang pambihirang naabot ng ating mga bagong abogado sa Kagawaran ng Paggawa. Ang pagkakapasa nila sa bar exam ay hindi madali dahil pinagdaanan ko rin iyan. Hindi talaga biro ang makapasa. Mag-enjoy kayo sa natatanging biyayang ito at maging ang aming simpleng parangal para sa inyong nakamit,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa harap ng mga bagong abogado sa Waterfront Pavilion Hotel.

 

Kabilang sa mga empleyado ng DOLE na nakapasa sa 2016 Bar Examinations ay ang siyam na scholar ng DOLE Educational Support Program (DESP) na sina Atty. Mary Grace L. Riguer ng Institute of Labor Studies,  Atty. Mary Gladys R. Paguirigan ng Regional Office No. II, Atty. Mark Vincent S. Cuchapin ng Regional Office No. IV-A, Joan N. Noya ng Regional Office No. V, Atty. RV June Zoe B. Bernal mula sa Regional Office No. VI, Atty. Mary Lorraine A. Macasa at Atty. Maria Cyrelle L. Espino na mula sa DOLE-NCR, Atty. Jannel P. Serrano ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-NCR, at Atty. Judith Rowena P. Gamueda na mula naman sa OWWA-Regional Office No. II.

 

Kabilang rin sa mga nakapasa sa exam ay sina Atty. Jennifer E. Marquez ng Legal Service; Atty. Leonida Marie P. Galicia mula sa Employees Compensation Commission; Atty. Gerard Peter C. Mariano, Atty. Joseph Anthony F. Tolentino, Atty. Samuel R. Flores, Atty. Rey Benedict D. Ong ng National Labor Relations Commission; Atty. Anna Farinah B. Mindalano, Atty. Rommel Carlo C. Panganiban, Atty.Omaimah E. Gandamra, Atty. Lyra Carissa M. Profugo, at Atty. Victor Rico P. Lopez ng Professional Regulation Commission.

 

Si Bello kasama ng mga opisyal ng DOLE ay binati ang mga bagong abogado at hinimok sila na tulungan ang kagawaran sa pagbibigay ng tulong legal sa iba’t ibang isyu sa trabaho at paggawa maging sa pagbuo ng mga regulasyon, polisiya at panuntunan.

 

“Naniniwala ako na ipagpapatuloy ninyo ang trabaho dito sa ating kagawaran at magsisilbi sa mamamayan upang maprotektahan ang kanilang karapatan at mabigyan sila ng serbisyong legal. Sama-sama tayong patuloy na paglingkuran ang mga Pilipino bilang ating pamilya,” ayon pa kay Bello.

 

Bilang kinatawan naman ng mga bagong abogado, nagpasalamat si Atty. Maria Cyrelle L. Espino ng DOLE-NCR sa kagawaran dahil sa suporta na ibinigay nito, maging sa paghahandog ng scholarship para sa mga sesyon sa bar examination review.

 

Ang mga bagong abogado ay nanumpa na noong Lunes.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry