Pinayuhan ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang mga naghahanap ng trabaho, gayundin ang mga estudyante, na maging handa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng wastong impormasyon ukol sa merkado sa paggawa na magiging gabay nila sa kanilang pagpili ng kurso o propesyon.

 

“Makakatulong sa mga estudyante at sa mga naghahanap ng trabaho ang mga information and education materials na regular na ipinalalathala ng Bureau of Local Employment (BLE) sa kanilang pangangalap ng impormasyon ukol sa merkado sa paggawa,” ani Secretary Bello.

 

Halimbawa nito, sa isyu ng Labor Market Trends nitong Marso, tampok ang top 10 high-paying jobs sa Pilipinas. Ang Labor Market Trends ay isang publikasyon ng BLE.

 

“Kung ang sahod ang isa sa konsiderasyon ng estudyante at ng naghahanap ng trabaho sa pagpili ng kanilang kurso o sa pag-aaplay ng trabaho, maaari nila itong tukuyin sa top 10 high-paying job sa bansa,” ani BLE Director Dominique Rubia-Tutay, kung saan kanyang binanggit ang pinakahuling inilathalang resulta ukol sa Occupation Wages Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA).

 

Ang top 10 high-paying occupations sa bansa ay nasa air transport; architecture at engineering; animated film at cartoon production; pagmamanupaktura ng refined petroleum products; pagmimina ng mineral, reinsurance, at pension funding; at telecommunications.

 

Ang nangunguna sa listahan ng trabahong may pinakamataas na sahod ay aircraft pilot, navigator, and flight engineer, na may pangkaraniwang buwanang sahod na P156,823.

 

Sinundan ng engineering geologist na may pangkaraniwang buwanang sahod na P101,471. Ang engineering geologist ang namamahala sa detailed technical analysis ng earth material at sa risk assessment ng geological hazards.

 

Sa kursong animated film and cartoon production, ang karaniwang buwanang sahod ng graphic designers ay P99,658, samantalang kumikita naman ang art directors ng karaniwang buwanang sahod na P76,612.

 

Nasa ikalimang puwesto ang industrial machinery mechanics and fitters na kumikita ng buwanang sahod na P76,550; samantalang nasa ika-anim na puwesto ang geologists na kumikita ng karaniwang buwanang sahod na P71,849.

 

Ang statisticians, para sa insurance, reinsurance, at pension funding, ay may pangkaraniwang buwanang kita na P56,759; samantalang ang crushing, grinding and chemical-mixing machinery operator ay may pangkaraniwang buwanang kita na P49,646.

 

Sa ika-siyam na puwesto ang communications service supervisors na kumikita ng pangkaraniwang buwanang sahod na P48,270. Sila ang namamahala sa pagsasagawa, pagpapatupad at pangangasiwa sa mga communication programs para sa promosyon ng organisasyon at ng kanilang produkto.

Panghuli sa listahan ang production supervisors at general foremen na kumikita ng pangkaraniwang buwanang sahod na P47,521.

 

Ang top 10 high-paying occupation ang pinakahuling ipinalathalang resulta sa 2014 Occupation Wages Survey, isang nationwide biennial survey na isinasagawa ng PSA, para sa pagbubuo ng estadistika para sa pangangasiwa ng sahod at pagsasaalang-alang sa pagbibigay ng sahod sa ilalim ng collective bargaining negotiation.
Sa parehong publikasyon ng BLE, tinalakay din ang mga hinahanap ng employer sa kanilang aplikante. Ang ilan sa mga ito ay ang teamwork and interpersonal skills, internship and part-time job experiences, functional skills, at behavioral skills.

 

Ang top functional skills ay ang communication skills, trainability, competence, problem solving and analytical skills, and technical know-how ng mga aplikante.

 

Ang top behavioral skills na hinahanap ng employers ay ang kagustuhang matuto, pagkukusa, katapatan at integridad, self-motivation, at self-confidence ng aplikante.

 

END/aldm/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry