Nakatakdang repasuhin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ipinatutupad na health and safety standards upang masiguro na ito ay nakaayon sa labor laws at social legislation.

Ang pagrerepaso ay gagawin ng binuong technical working group na makaraang pirmahan ni Acting Secretary Ciriaco A. Lagunzad III, ang Administrative Order No. 21 na nagtatakda ng comparative review ng OSH standards at iba pang mga panuntunan ukol rito.

Aalamin rin ng TWG kung mayroon bang overlapping mandates sa mga ahensya ng pamahalaan sa tulong ng mga isasagawang inspeksyon kaugnay sa pagpapatupad ng OSH Standards; at higit sa lahat ang paghabi at pagrekomenda ng mga pagbabago sa mga panuntunan.

Ang Occupational Safety and Health Standards, na binalangkas noong 1978 at na-amyendahan noong 1989, ay ginawa kasunod ng mandatong protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa pati na rin ang kanilang economic well-being at maging ang aspeto ng kanilang pisikal na kaligtasan at kalusugan.

“Bahagi ng aming tungkulin ay masiguro ang pagsunod sa occupational safety and health standards. Kami at ang DOLE, ay tiyak na poprotekta at rerespeto sa lahat ng karapatan tungo sa pagkakaroon ng desenteng trabaho,” wika ni Lagunzad.

Upang maipatupad ang mandato, ang technical working group ay gagawa ng imbentaryo ng OSH standards at OSH-related issuances maging sa ibang bansa, at iba pang mga patakaran. Magsasagawa rin ito ng pulong ng mga focus group at tripartite island-wide consultation.

Pinangungunahan ni Bureau of Working Conditions (BWC) Director Ma. Teresita S. Cucueco, M.D., ang technical working group at kinabibilangan nina Occupational Safety and Health Center (OSHC) Executive Director Noel C. Binag, Employees’ Compensation Commission (ECC) Executive Director Stella Zipagan-Banawis, Institute for Labor Studies (ILS) OIC-Executive Director Mary Grace Riguer, Bureau of Labor Relations (BLR) Director Benjo Santos Benavidez, DOLE-National Capital Region Director Johnson G. Cañete, DOLE-Regional Office No. 3 Director Ana C. Dione, at DOLE-Regional Office No. 4A Director Ma. Zenaida Angara-Campita, bilang mga miyembro.

Ang grupo sa pakikipagtulungan sa SafeYouth@Work Project Team ng International Labor Organization (ILO), ay titiyakin na ang mga inaasahang resulta ay maisasakatuparan.

Ang Pilipinas, bukod sa Vietnam at Myanmar, ay isa sa mga pilot country ng SafeYouth@Work Project na naglalayong matugunan ang iba’t ibang OSH issues na kadalasang dinaranas ng mga manggagawa.

#Aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry