Upang mas mapabilis ng pamahalaan ang pagpapabalik ng mga OFW na lisensiyadong public school teachers, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panuntunan para sa pagpapatupad ng programang “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS).

Itinatakda ng Department Order No. 190, Series of 2018, ang proseso, maging ang mga panuntunan para sa pagpili ng mga benepisyaryo para sa programa na isang inisyatibo upang mahikayat ang mga teacher na nakadestino sa ibang bansa na ituloy ang kanilang propesyon dito sa Pilipinas.

Kasunod ng paglabas ng panuntunan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nilalayon ng kautusan na “matiyak ang pagpapatuloy ng SPIMS Program at maibsan ang kakulangan sa mga pampublikong guro sa bansa.”

Nagsimula ang programa sa isang Memorandum of Cooperation kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Professional Regulation Commission (PRC), at ang Philippine Normal University (PNU).

Mula nito, nakapagbigay ang programa ng kabuuang 1,421 plantilla position sa mga umuwing OFW-Licensure Examination for Teachers (OFW-LET) passer, ayon sa ulat mula sa NRCO.

Upang maging benepisyaryo ng SPIMS program, ang aplikante ay dapat na isang Filipino citizen o mayroong Philippine passport; OFW-LET passer na mayroong karanasan sa pagtuturo nang hindi bababa sa isang taon sa loob ng nakalipas na limang taon; at dapat na hindi nanirahan sa bansa ng tatlong taon. Ang mga OFW-LET passer na nakapasa ng pagsusulit sa loob ng nakalipas na limang taon, mayroon man silang karanasan sa pagtuturo o wala, ay hindi na kinakailangan pang dumaan sa isang online refresher course.

Samantala, ang mga OFW-LET passer na wala pang karanasan sa pagtuturo o mayroon namang experience ngunit limang taon na ang nakararaan ay dapat dumaan sa online course na ibinibigay ng PNU o dumalo sa mga regular refresher course.

Ang mga interesadong aplikante ay dapat na makapagsumite ng SPIMS OFW Profile Sheet Form sa online, o dalhin ito sa NRCO Central Office sa Maynila, o sa iba pang DOLE Regional Offices sa buong bansa, o sa mga Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Ang NRCO Central Office ay magsasagawa ng preliminary evaluation at ipagsusumite ang aplikanteng pumasa sa criteria ng mga dokumento tulad ng PRC ID; Certificate of Board Rating; Passport; Certificate of Employment abroad; at Certificate of Employment as a teacher (kung mayroon).

Kung pumasa sa assessment, ieendorso ng NRCO ang profile ng aplikante sa DepEd, para sa final screening at evaluation, o sa PNU, kung kailangan ng online refresher course.

Ang mga makukuhang aplikante ay makatatanggap ng official letter mula sa DepEd na nagsasabing dapat silang magsumite ng documentary requirements sa DepEd Division Office habang hinihintay ang pag-apruba sa kanilang Notice of Organization Staffing and Compensation Action (NOSCA).

Sa oras na magsimula ang benepisyaryo ng SPIMS na magturo sa kanyang school assignment, bibigyan sila ng teaching kits na naglalaman ng mga instructional material, isang tablet computer o mini laptop, at iba pang school supply at gadgets na nagkakahalaga ng P20,000.

END/aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
52