Nananawagan si Secretary Silvestre H. Bello III sa mga employer na ibigay sa kanilang manggagawa ang karagdagang sahod tulad ng night shift differential at overtime pay para sa trabahong ginampanan na higit sa regular na oras ng pagtatrabaho.

“Muli naming pinapaalala ang obligasyon ng employer na ibigay ang karagdagang bayad sa kanilang manggagawa kung ito ay nagtrabaho ng higit sa walong oras para sila ay makaiwas sa anumang parusa,” ani Bello.

Kanyang idinagdag na ang overtime pay ay tumutukoy sa karagdagang bayad para sa trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras kada araw, samantalang ang night shift differential ay karagdagang bayad na 10 porsiyento ng regular na sahod ng empleyado kada oras sa trabahong ginampanan sa pagitan ng 10:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga.

Nagpalabas ng pahayag si Bello matapos makatanggap ang DOLE Hotline 1349 ng tawag mula kay Jen Lacson, isang computer programming assistant, dahil sa hindi pagbabayad ng overtime pay at night shift differential ng kanyang ahensiya.

“Nakikiisa ako sa kalungkutan at pagkadismaya ni Bb. Lacson dahil sa hindi pagbibigay ng tamang pasahod ng kanyang kompanya,” ani Bello.

Sa ulat ng DOLE Hotline 1349, tinanggap at inasikaso ni Action Officer John Pili ang tawag ni Lacson.

Tinawagan ni Pili ang ahensiya kung saan nagtatrabaho si Lacson upang ipaalam ang tamang pagkukuwenta ng overtime pay at nightshift differential. Tinanggap naman ng human resource manager ng kompanya ang kanilang pagkakamali at nangakong aayusin ang tamang sahod ni Lacson sa Enero 30.

Matapos matanggap ang tamang sahod, tinawagan ni Lacson ang Information and Publication Service, ang tanggapan ng DOLE na namamahala sa Hotline 1349, upang pasalamatan si Pili.

Ang DOLE Hotline 1349 ang sumasagot sa mga katanungan ng kliyente tungkol sa paggawa at empleo pati ang mga oportunidad sa trabaho, lokal man o sa ibang bansa.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry