Muling nanawagan si Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III para sa mas matatag na proteksiyon sa mga migranteng manggagawa kasabay ng paghimok sa mga kasaping bansa ng Gulf Cooperating Council sa pagpapatupad ng disenteng trabaho bilang tugon sa lumalaganap na kaso ng pangmamaltrato at pang-aabuso sa mga manggagang Filipino sa Gitnang Silangan.

Ito ang mensahe ng labor secretary sa pagtatapos ng unang pagtitipon ng Negotiations for the Global Compact for Safe, Orderly, and Regular Migration (GCM) na ginanap kamakailan sa New York, USA.

“Sa mga isyung bumabalot sa pagkamatay ng ating mga kababayan sa Kuwait, gayundin ang hindi pantay na pagtrato sa ilan sa ating mga domestic worker sa ibang bansa, isang magandang pagkakataon ang GCM para ipaalam natin sa mundo na ang labor migration ay isang seryosong usapin at ang lahat ng kasaping bansa ng United Nations, partikular ang mga bansang tumatanggap ng manggagawa, ay kailangang lumikha ng kapaligiran na magtataguyod ng disenteng trabaho para sa mga migranteng manggagawa anuman ang kanilang estado,” ani Bello.

Sa ginanap na negosasyon, iminungkahi ng DOLE na sa labor migration framework, dapat na tukuyin ang mga domestic worker/household service worker bilang isa sa mga vulnerable group, gayundin ang pagpapalakas sa mga batas ng host country para pangalagaan ang mga regular na migrante na ang estado ay naging irregular sa dahilang may kinalaman sa hindi pagkakaunawaan sa trabaho.

Iminungkahi din ng DOLE ang pagpapatibay ng Domestic Workers Convention (ILO C189) at ng UN Convention on the Protection and Promotion of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families upang matiyak ang komprehensibong proteksiyon sa lahat ng migranteng manggagawa, para sa parehong land-based at sea-based na manggagawa.

Hinikayat din ng DOLE ang pagpapalakas ng bilateral cooperation sa pagitan ng mga bansang pinagmulan at pupuntahan ng manggagawa upang higit na mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino, partikular iyong mga nasa vulnerable sector.

Ang global compact para sa ligtas, maayos at regular na migrasyon ay bubuo ng balangkas para sa komprehensibong kooperasyon sa paggalaw ng mga migrante. Ito ay ipatutupad ng UN Member States sa Setyembre 2018.

Ang DOLE, kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay aktibong lumalahok sa mga proseso ng paghahanda ng GCM sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mungkahi upang higit na mabantayan ang interes at kapakanan ng migranteng Filipino.

END/ Abegail De Vega/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry