Nananalo ang labor department sa kampanya nito laban sa labor-only contacting at iba pang uri ng illegal contracting arrangements, pahayag kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Sa kanyang talumpati sa 7th National Forum ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors’ (PALSCON) 7th National Forum, sinabi ni Bello na mas maraming manggagawa ang ginawang regular matapos magsagawa ng labor laws compliance consultations and assessments.

“Naipapanalo natin ang ating laban sa iligal na kontraktuwalisasyon at iba pang uri ng iligal na gawain sa pangongontrata,” aniya.

Dagdag ni Bello, “Ngunit wala pa tayo sa kalagitnaan nang ninanais nating makamit,” kanyang sinabi na mahigit 120,000 na dating contractual workers ang nakinabang sa kampanya ng pamahalaan.

Sa ginanap na pagpupulong, pinapurihan ni Bello ang PALSCON sa kanilang pakikipagtulungan at ang kanilang mahalagang naitulong sa pagbubuo ng Department Order No. 174, gayundin ang pagtugon sa unemployment.

Kanya ring sinabi na ang pagpapanatili ng katahimikan sa industriya ay magkatuwang na responsibilidad ng mga social partner upang bigyan ng pantay na proteksiyon ang karapatan ng manggagawa at employer upang mas maging produktibo.

“Ang kinakailangan nating gawin ay tiyakin na ang pagdadamayan ay napapanatili upang makamit ang pangmatagalang katahimikan ng industriya. Ito ang responsibilidad na dapat pagtulungan ng manggagawa at employer. Magkasama nating tiyakin ang pagbibigay ng disenteng trabaho sa ating manggagawa,” ani Bello.

Samantala, pinagtibay naman ng PALSCON ang kanilang pangako na panatilihin ang katahimikan sa industriya sa pamamagitan ng maayos na relasyon sa paggawa at pagtitiyak ng pantay na proteksiyon sa karapatan ng employer at manggagawa.

Tiniyak din ng PALSCON ang pagtupad ng kanilang miyembro sa batas-paggawa at ang patuloy na pagtataas ng kalidad sa paglilingkod ng service contracting industry sa pagbibigay ng pagsasanay at programang pang-edukasyon.

 

END /Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry