Pinalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kampanya laban sa iligal na uri ng contracting at sub-contracting at tiniyak sa publiko na mas maraming mangggagawa ang gagawing regular sa pagpapatupad ng Department Order 174.

Nagpalabas ng pahayag si Labor Undersecretary Joel B. Maglunsod matapos makipag-dayalogo sa Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang grupo ng manggagawa na nag-piket sa tanggapan ng DOLE sa Maynila.

“Pinapakinggan ng labor department ang inyong mga hinaing. At kailangan din namin ang inyong tulong. Magka-isa tayo, ipagpatuloy natin ang ating pakikipaglaban sa ating karapatan at iulat sa amin ang mga kompanya at employer na lumalabag sa batas-paggawa at patuloy na ipinatutupad ang iligal na kontraktuwalisasyon sa trabaho,”ani Maglunsod.

Binigyang-diin din ni Maglunsod na mas pinalakas ng DOLE ang pagsasagawa ng Special Assessment and Visit to Establishments (SAVE) at Occupational Safety and Health (OSH) inspections sa iba’t-ibang kompanya at employer upang tiyakin ang kanilang pagsunod sa bagong department order.

“Lahat ng pagpupunyagi ay aming ginagawa. Ginagawa ng ating mga ahensiya, tulad ng Bureau of Working Conditions (BWC), Occupational Safety and Health Center (OSHC), at iba pa upang mapangalagaan ang karapatan at kalusugan ng mga manggagawa sa trabaho,” dagdag niya.

 

Kanyang idinagdag na nitong Abril 20, 2017, may 47,000 manggagawa na ang ginawang regular ng kanilang principal o employer.

 

“Titiyakin ng DOLE na ang mga kompanya at employer sa buong bansa ay mahigpit na sumusunod sa batas-paggawa lalo na sa pagiging regular ng kanilang mga empleyado. Dagdag pa dito, ang lahat ng manggagawa ay may karapatan sa tamang sahod at benepisyo na iniaatas ng batas,” ani Undersecretary.

Magsasagawa din ng pormal na dayalogo si Maglunsod sa iba’t ibang grupo ng manggagawa na may mga reklamo laban sa kanilang employer sa isyu ng kontraktuwalisasyon, illegal dismissal, at iba pang paglabag sa batas-paggawa.

#Paul Ang/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry