Aalamin ng grupo ng labor official ang posibilidad ng pag-deploy ng Filipino healthcare professionals sa Republic of San Marino, sa northeast Italy.

Titingnan din ng grupo kung paano mas mapapalawig ang oportunidad sa iminumungkahing Memorandum of Understanding on Cooperation in Home Services sa pagitan ng San Marino at ng Pilipinas.

Sa ipinalabas na administrative order, bumuo si Labor Secretary Silvestre Bello III ng assessment team na pamumunuan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at kabibilangan ng mga miyembro mula sa Professional Regulation Commission (PRC), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at International Labor Affairs Bureau (ILAB).

Naatasan ang grupo na pag-aralan ang nursing at caregiving professional regulatory framework ng San Marino at tingnan ang posibilidad na makapagtrabaho ang mga Filipino professional sa nasabing bansa.

Pag-aaralan din ng grupo ang mga posibleng pamamaraan sa pag-deploy, tulad ng POEA deployment, Movement of Natural Persons (MNP) sa ilalim ng General Agreement on Trade and Services (GATS).

Matapos ang pagsusuri, magbibigay ng rekomendasyon ang assessment team sa Labor Secretary ng nararapat na pamamaraan upang tugunan ang kakulangan ng Pilipinas sa nursing at caregiving training, certification o accreditation upang mas maging karapat-dapat sila.

Inaasahan din mula sa grupo ang pagbuo ng draft strategic plan para sa pagbibigay ng nursing at caregiving service sa San Marino.

Samantala, sa ilalim ng POEA Governing Board Resolution No. 2 series of 2011, ang Republic of San Marino, isa sa mga bansa sa Europe, ay isang certified compliant country, o kung saan ang karapatan ng migranteng manggagawang Filipino ay prinoprotektahan.

Sa datos ng POEA, mula 2015 hanggang sa kasalukuyan, mayroon lamang 22 overseas Filipino worker sa San Marino, at ito ay binubuo ng dalawang new hires samantalang ang iba ay rehires.

 

END/Tim Laderas/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry