Inatasan kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga airline companies na huwag isama ang travel tax at terminal fees sa halaga ng airline ticket na kanilang iniisyu sa overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kanyang liham kay Director General  Jim Sydiongco ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP),  sinabi ni Bello na hindi dapat pinagbabayad ng travel tax at terminal fee ang mga OFW batay sa Presidential Decree No. 1183 at R. A. No.8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, na inamyendahan ng R. A. No. 100022.

“Nakarating sa aking kaalaman na isinasama sa halaga ng airline tickets na inisyu sa OFW ang travel tax at terminal fee.  Bagama’t ibinabalik sa OFW ang kanilang binayarang travel tax at terminal fee bago sila umalis ng airport, ang karamihan naman sa kanila ay hindi alam ang pribilehiyong ito o dahil sa kakulangan sa oras na i-proseso ang kanilang refund ay hindi na nakukuha pang muli ang kanilang ibinayad,” ani Bello.

Hiniling din ni Bello sa CAAP na i-remit ang mga hindi naibalik na travel tax at terminal fee ng mga OFW sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Ilang taon na ring naging gawain ng mga airline company ang paglalagay ng travel tax at terminal fee sa halaga ng kanilang airline ticket, kaya hinihiling namin na ang travel tax at terminal fee na hindi naibalik sa mga OFW ay maibalik sa OWWA,” ani Bello.

Inatasan din ng Labor Secretary ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at OWWA na makipag-ugnayan sa CAAP at MIAA para sa agarang pagpapatupad ng mekanismo upang hindi na masingil ng travel tax at terminal fee ang mga OFW.

Sa kanyang Iiham, hiniling ni Bello sa CAAP na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na nakatalaga sa iba’t ibang airport terminal upang hindi na masingil ng travel tax at terminal fee ang mga OFWs.    Nakatanggap din ng kopya ng liham sina Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation, General Manager Eddie V. Monreal ng Manila International Aurport Authority (MIAA), at Atty. Guiller B. Asido ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Maliban sa mga tanggapan ng pamahalaan, ang mga sumusunod na airline ay binigyan din ng kopya ng liham:  Air Asia, Air Asia Zesr, Air China, Air Niugini, All Nippon Airways, Aiana Airline, Cathay Pacific, Cebu  Pacifir Air, China Airline, China Eastern Airline, China Southern Airlines, Delta Air, Dragon Air, Emirates Airlines, Ethiopian Airline,  Etihad, Eva Air, Gulf Air,  Japan Airlines,  Jeju Air, Jet Star Asia, Jin Air, KLM Royal Duth Airlines, Kuwait Airlines, Malaysian Airlines, Mandarine Airlines, Oman Air, PAL Express, Philippine Airlines, Qantas Airlines Qatar Airways, Royal Brunei, Saudia Airlines, Skyjet, Singapore Airlines, Silk Air,  Thai Airways, Tiger Air, Tiger Airways, Turkish Airlines, United Airlines, at Xiamen Airlines.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry