Dapat bayaran ng mga pribadong employer ang 13th month pay ng kanilang manggagawa nang hindi lalagpas sa 24 Disyembre, pahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo.

“Kailangang bayaran ng lahat ng employer ang mga rank-and-file employee ng kanilang 13th month pay, anuman ang uri ng kanilang empleo at pamamaraan ng pagbabayad ng kanilang sahod, basta sila ay nakapagtrabaho ng hindi bababa sa isang buwan ng kasalukuyang taon,” ani Bello.

Kanyang sinabi na ang pagbabayad ng 13th month pay ay ayon sa Labor Code of the Philippines at mga patakaran at regulasyon sa pagpapatupad nito.

“Ang 13th month pay ay ang pamantayan sa batas-paggawa na hindi ikokompromiso ng DOLE ang pagbabayad nito. Nakasaad sa batas na dapat iulat ng mga employer sa pribadong sektor ang kanilang pagtupad sa benepisyo ng manggagawa,” ani Bello.

Sa ilalim ng Labor Code, ang lahat ng nasasakop na employer ay dapat magsumite ng ulat ng pagtupad sa batas sa pinakamalapit na DOLE regional office nang hindi lalampas ng 15 Enero ng kada taon.

“Ang maayos na relasyon ng manggagawa at mamumuhunan, at ang mas produktibong manggagawa at maunlad na negosyo ay bunga ng tamang pasahod sa mga manggagawa,” dagdag niya.

Ang 13th month pay ay katumbas ng 1/12 ng basic salary ng manggagawa sa isang taon.
Kasama sa basic salary ang lahat ng bayad o kita na binayad ng employer sa empleyado para sa serbisyong ibinigay, ngunit maaaring hindi kasama ang cost-of-living allowances (COLA), profit-sharing payments, cash equivalents ng hindi nagamit na vacation at sick leave credits, overtime pay, premium pay, night shift differential pay, holiday pay, at lahat ng allowance at monetary benefits na itinuturing na hindi na bahagi o kasama sa regular o basic salary ng empleyado.

Sinabi ni Bello na maaaring magsumite sa alinmang DOLE regional office ng money claim case ang naagrabyadong empleyado kung hindi ibibigay ng employer ang kanilang 13th month pay.

END/CTM/GMEArce

 

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2