Naresolba ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P72.9 milyong halaga ng monetary benefit para sa tinatayang nasa 2,000 manggagawa sa pamamagitan ng mandatory mediation scheme na tinatawag na Single Entry Approach (SEnA).

Sa isang ulat, sinabi ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) na may kabuuang 1,228 requests for assistance (RFAs) mula sa 1,972 filed RFA ang naresolba sa ilalim ng SENA na nagresulta sa P72,934,378 monetary gain para sa 1,804 manggagawa mula buwan ng Enero hanggang Abril 2018.

Ayon sa NCMB, ang 1,228 RFA ay kumakatawan sa 59 porsiyentong settlement rate kung saan ang 1,167 request o 95 porsiyento rito ay naresolba sa loob ng process cycle time na 30 araw.

Ang SEnA ay isang administratibong pamamaraan na nagbibigay ng mabilis, patas, walang gaanong gastos, at madaling pagsasayos ng lahat ng isyu at reklamo sa pagitan ng manggagawa at empleyado upang hindi na ito mauwi pa sa pagsasampa ng malaking kaso.

Sa ilalim ng sistemang ito, lahat ng alitan sa pag-eempleyo at paggawa ay sumasailalim sa 30-araw na mandatory conciliation-mediation upang tuluyang maresolba ang reklamo ng magkabilang panig.

Samantala, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na malaki ang naitutulong ng SEnA upang mas epektibong maresolba ang mga labor disputes sa pagitan ng labor at management upang hindi na ito maging ganap na labor dispute.

“Ang mapayapang pagresolba ng mga labor disputes sa pamamagitan ng SEnA) ay nakatutulong upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa trabaho at ang mekanismong ito ay dapat na pinagtitibay upang matiyak ang pagkakasundo sa pagawaan,” wika ni Bello.

Liban sa SEnA, ang labor department ay mayroon ring mas pinalakas na Labor Management Cooperations (LMCs) sa mga kumpanya na nagreresulta sa mas mabilis na pagresolba sa mga labor disputes sa pagitan ng mga manggagawa at management.

Batay rin sa NCMB report, mayroong 3,064 mula sa 3,144 o 97.5 porsiyento sa mga kumpanyang may Labor Management Cooperation ang hindi nasangkot sa Actual Strike/Lockouts, Notices of Strike/Lockout, at kaso ng mga Preventive Mediation o Voluntary Arbitration para sa buwan ng Abril.

END/Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry