May 164,000 millenial ang tinatayang makikinabang mula sa Special Program for Employment of Students (SPES) sa inilaang P709 milyon pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa programang trabahong pangkabataan na ipatutupad ngayong taon.

 

Ipinahayag ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na ang badyet, na nakalaan para sa sahod ng mga benepisaryo ng SPES, ay makakatulong upang ipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa sekondarya, kolehiyo, o sa technical-vocational institution.

 

Batay sa ulat ng Bureau of Local Employment, sinabi ni Bello na pinakamalaki ang pondo na inilaan para sa National Capital Region na ang kabuuang halaga ay P106,192,000 na nakalaan para sa 16,860 benepisaryo.

 

Sa Luzon, naglaan ng P29,774,000 para sa 8,050 benepisaryo sa Cordillera Administrative Region; Ilocos Region (Region 1), na may P15,215,000 para sa 4,180 benepisaryo; Cagayan Valley Region (Region 2), na may P41,173,000 para sa 10,590 benepisaryo; Central Luzon Region (Region 3), na may P83,241,000 para sa 17,690 benepisaryo; CALABARZON (Region 4A), na may P54,269,000 para sa 11,120 benepisaryo; MIMAROPA (Region 4B), na may P22,412,000 para sa 6,060 benepisaryo; at Bicol Region (Region 5), na may P22,028,000 para sa 6,390 benepisaryo.

 

Samantala, sa Western Visayas (Region 6) ang pondo para sa SPES ay nasa P37,128,000 na pakikinabangan ng 8,870 benepisarsyo; habang sa Central Visayas (Region 7) ay naglaan ng P72,756,000 para sa 16,010 benepisaryo; at Eastern Visayas (Region 8) na may P24,320,000 badyet para sa 7,130 benepisaryo.

 

Sa Mindanao, ang inalaaang pondo at inaasahang bilang ng benepisaryo ay ang mga sumusunod: Zamboanga Peninsula (Region 9)–P47,937,000 para sa 12,490 benepisaryo; Northern Mindanao (Region 10)–P35,281,000 para sa 8,570 benepisaryo; Davao Region (Region 11)–P35,172,000 para sa 8,010 benepisaryo; SOCCSKSARGEN (Region 12)–P55,045,000 para sa 14,390 benepisaryo; at CARAGA (Region 13) P26,835,000 para sa 7,380 benepisaryo.

 

Isa sa mga programang pang-empleo ng DOLE ang SPES na naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga kabataang benepisaryo na may edad 15 hanggang 30 taong gulang, na makapag-trabaho tuwing bakason at/o Pasko o anumang panahon.

 

Ang mga benepisaryo ng nasabing programa ay ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante; out-of-school youth; at dependent na estudyante o out-of-school youth ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng negosyo, pagpapatigil ng trabaho, o dahil sa kalamidad.

 

Maaaring magtrabaho ang benepisaryo ng SPES mula 20 hanggang 78 araw para sa mga posisyon tulad ng service crew, student assistant, clerk, office/administrative assistant, support staff, bookkeeper, o plant nursery helper/assistant.

 

Nitong nakalipas na buwan, nilagdaan ni Bello ang patakaran sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10917 o ang inamyendahang batas ng SPES para sa maayos at epektibong pagpapatupad ng programa.

 

END/aldm/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry