Naglaan ang labor department ng kabuuang P60M tulong-pangkabuhayan at emergency employment para sa 10,000 manggagawa at bakwit na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Mayon.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na may inisyal na P30M ang inilaan para sa emergency employment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) samantalang ang P30M ay tulong-pangkabuhayan sa mga inilikas na pamilya ng mga manggagawa.

“Magbibigay kami ng tulong sa mga biktima, lalo na ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng patuloy na pagsabog ng Mayon. Bibigyan namin sila ng pansamantalang mapagkakakitaan at pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan habang sila ay nananatili sa evacuation center,” ani Bello.

Noong Huwebes, pinangunahan ni labor secretary ang paggawad ng may P10 milyon sa may 4,000 manggagawa na benepisaryo ng programang TUPAD.

Ang bawat benepisaryo ay tumanggap ng P2,900 sahod para sa 10-araw na community work na kanilang ginampanan sa evacuation area.

Tinitingnan ng DOLE Bicol Regional Office ang pangalawang batch ng benepisaryo ng TUPAD para makapag-bigay ng tulong sa iba pang inilikas na pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang trabaho.

Samantala, nakatanggap naman ng P3,000 halaga ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration ang pamilya ng mga aktibong overseas Filipino workers, habang P1,500 naman ang binigay sa pamilya ng mga hindi na aktibong OFW.

END/Abegail De Vega/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry