Naresolba ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang libo-libong mga kaso na kinabibilangan ng malaking halaga at benepisyo sa collective bargaining na may kabuuang P2,014,354,911 at nakapagbigay benepisyo sa 39,691 na manggagawa mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2017.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, katangi-tangi ang nasabing pagresolba sa mga kaso sa paggawa gamit ang alternative dispute resolution (ADR) mechanisms na nagbibigay katiyakan sa integridad, mabilis at patas na paglutas ng mga kasong matagal nang isinampa kaugnay sa paggawa.

 

“Ang Alternative Dispute Resolution ang ating istratehiya upang masiguro ang mabilisang paglutas at pagbibigay ng labor justice. Naninindigan ang DOLE sa pagpapanatili ng industrial peace sa pamamagitan ng mabilis na paglutas sa mga kaso ng paggawa,” ayon kay Bello.

 

Iniulat naman ni Executive Director Shirley M. Pascual ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) na 27,226 requests for assistance (RFAs) para sa Single Entry Approach (SEnA) ang kanilang naresolba at nagresulta sa pagbibigay ng monetary benefit na P 1,382,516,848.23 bilyong piso sa 32,017 na manggagawa.

 

“Sa pamamagitan ng SEnA, naresolba natin ang 27,226 RFAs mula sa kabuuang 44,863 na kasong hinawakan. Ang iba rito sa mga kaso ay sa aspeto ng illegal dismissal, underpayment of wages, hindi pagbabayad ng over-time pay, holiday pay at thirteenth month pay at hindi pagbibigay ng social protection benefits,” paliwanag pa ni Pascual.

 

Sa aspeto naman ng preventive meditation (PM), sinabi ni Pascual na nalutas ng NCMB ang 332 kaso mula sa 404 na hinawakan nito at nagresulta sa pagbibigay ng monetary benefits na P59,577,925 milyong piso sa 2,509 na manggagawa.

 

“Isa sa pinakahuling naresolbang kaso ay ang unfair labor practices sa Maynilad Water Services sa kanilang manggagawa. Nalutas na ang kaso noong Marso 22 at nagresulta sa pagbabahagi ng benepisyong nasa P50 milyong piso sa 200 empleyado,” ayon kay Pascual.

 

Dagdag pa rito, ang iba pang mga kumpanya/ employer na nagkaroon ng high settlement of money claims ay kinabibilangan ng Kepco SPC Power Corporation na may P130 milyong monetary benefit sa 96 na manggagawa; Novartis Health Care Phils., Inc., na may P34 milyon sa 137 manggagawa; Capitol Medical Center na may P20.52 milyon sa 600 manggagawa; at Pepsi Cola Philippines., Inc., na may P13 milyong pisong monetary benefits para sa 110 empleyado.

 

Sinabi pa ng hepe ng NCMB na mayroong 121 kaso ng notice of strike/ lockout (NS/L) ang naresolba ng monetary benefits na nagkakahalaga ng P545,314,519 milyong piso para sa 4,914 na manggagawa.

 

Ang pagbaba rin aniya ng work-disruptive industrial dispute ay nagresulta sa katipiran ng 310,521 man-days.

 

Iniulat rin ng NCMB na 10 kaso mula sa 17 kasong hinawakan sa actual strikes/lockout ay nalutas at nagresulta naman sa P26,945,47 monetary benefits sa 211 manggagawa.

 

Sa aspeto naman ng voluntary arbitration (VA), 363 kaso ang hinawakan ng NCMB at nakalutas ng 67 VA cases at nagresulta sa P145.8 milyong monetary benefits para naman 40 empleyado.

 

Binanggit naman ni Bello ang kaso kaugnay sa RubberWorld Philippines Inc., at Lingkod Manggagawa Sa Rubberworld, Adidas-Anglo, na nagsimula pa noong 1994 dahil sa matinding krisis pinansyal at nagresulta sa pagkakatanggal ng mga manggagawa kung nalalapit na itong maresolba.

 

“Matapos ang 22 taon, ang labor dispute sa Rubberworld at kanilang mga manggagawa ay mareresolba na din. Ang dalawang partido ay dumadalo sa mga pulong upang tuluyan ng wakasan ang kanilang problema,” ayon kay Bello.

 

Iginiit rin ng kalihim ang kahalagahan ng Labor Management Cooperations (LMCs) at Grievance Machineries (GM) sa mga kumpanya upang makatulong sa paglutas ng mga kaso at palaganapin ang good labor-management relations.

 

Sinabi rin ni Bello na 2,827 kumpanya na may LMC at 3,332 ang aktibong GM ang hindi nag-uulat ng anumang kaso ng strike/ lockout, preventive meditation at voluntary arbitration.

 

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry