Nagtalaga na ng DOLE Rapid Employment Assistance for Mayon (DREAM) Team ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol office na mangangasiwa upang magbahagi ng P10 milyong pisong emergency employment sa mga manggagawang apektado ng pag-alburuto ng bulkang Mayon kasunod ng utos ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Upang mabigyang prayoridad ang lahat ng lugar, hinati ang DREAM sa limang field team na pinangangasiwaan ng fact-finding team, regional project monitoring team, at mga miyembro ng post-disaster needs assessment team na sina Vanessa Antoinette Miguel, Mary Jane Secretario, Jason Marbella, Raymund Cres Avengosa at Shieva Arjona-Llamera bilang Safety Ground Controller, kasama si ARD Rovelinda A. Dela Rosa at bilang pagtalima sa utos ni DOLE Bicol Regional Director Exequiel R. Sarcauga.

Sinabi ni Sarcauga na ang field team commander ay mahigpit na nagsanay at mayroong sapat na karanasan at husay upang piliin ang mga benepisyaryo at matiyak ang kaligtasan ng mga miyembro niya sa lugar.

“Ito ang dahilan kung bakit pinili natin sila bilang mga field team leaders dahil sa kanilang kakayahan, partikular sa pagkakaroon ng agarang desisyon para dito,” dagdag ni DOLE Bicol Assistant Regional Director Rovelinda A. Dela Rosa.

Sa ngayon, nakilala na ng DREAM Team ang 2,000 evacuees/beneficiaries para sa Emergency Employment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na ipinatupad nitong katapusan ng Enero hanggang sa unang linggo ng Pebrero 2018.

Hinihintay na lamang ng DOLE Bicol ang pagpapalabas ng P10 milyong pondo na inaprubahan ni Labor Secretary Bello.

Mas naging mabisa at mabilis ang pagkilala sa mga benepisyaryo dahil sa tulong ng mga school principal o evacuation camp manager, guro at evacuee leaders sa mga kanya kanya nilang evacuation center.

Nagbigay rin ng kanilang tulong at kaalaman ang mga PESO managers sa ibang lugar para sa profiling ng mga benepisyaryo.

“Magaling ang naging trabaho ng lahat upang makatulong sa DOLE sa layunin nitong magbigay ng agarang tulong sa lalong madaling panahon,” ayon pa kay ARD Dela Rosa.

Sa ilalim ng programang TUPAD, aabot sa 10-araw na trabaho ang ibinibigay sa mga benepisyaryo na mayroong minimum wage na P290.00 kada araw o P2,900.00 para sa 10-araw na trabaho.

“Ang P2,900.00 para sa 10-araw na trabaho ay malaking tulong na upang mabigyan ng emergency work o pansamantalang kita ang mga manggagawang nawalan ng kabuhayan at nais nating maabot ang lahat ng mga apektadong pamilya hanggat kaya pa ng ating pondo,” paliwanag ni ARD Dela Rosa.

Magugunitang mula ng magsimula ang pag-aalburuto ng Mayon, and DOLE Bicol ay agad ng humingi ng tulong sa central office upang mapondohan ng P10 milyong piso ang programang TUPAD. Ang nasabing halaga ay makapagbibigay ng benepisyo sa higit kumulang 3,450 evacuees-beneficiaries.

END/Raymond Escalante/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry