Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng kabuuang P1,017,000 halaga ng tulong pangkabuhayan sa barangay Teresita, munisipalidad ng Mansalay sa Oriental Mindoro para sa Sack Making Project ng Teresita Farmers Association (TFA).

 

Pinangunahan ni DOLE MIMAROPA Regional Director Alvin M. Villamor sa pamamagitan ng Oriental Mindoro Field Office ang pagbibigay ng tseke upang makabili ng mga raw materials, at iba pang kagamitan na kinakailangan para mapatakbo ang proyektong paggawa ng sako na unang panukala ng 186 miyembro ng TFA sa labor department.

 

“Dahil wala pang produksyon na gumagawa ng sako sa lugar (Ikalawang Distrito ng Probinsya), karamihan sa mga magsasaka ay bumibili pa ng sako sa ibang lugar at kung minsan ay sa labas pa ng probinsya. Malaking tulong ito para sa mga residente at sa asosasyon ng mga manggagawa na namumuhunan rin sa paggawa ng mga pataba, organic fertilizers/vermi-cast fertilizers,” wika ni Villamor.

 

Hinikayat naman ni DOLE Oriental Mindoro Field Officer Engr. Juliana Ortega ang mga opisyal at miyembro ng TFA na ipagpatuloy ang sack making project at palaguin pa ito bilang isang community enterprise na magbibigay ng oportunidad at trabaho sa kanilang barangay.

 

Sinabi rin ni Ortega na ang DOLE, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Mansalay, sa kanilang Public Employment Service Office (PESO) at mga opisyal ng barangay Teresita, ay patuloy na tutulong at babantayan ang nasabing operasyon ng proyekto sa susunod na tatlong taon.

 

Dagdag pa niya, handa ang DOLE-FO na magbigay ng tulong teknikal at gabay upang mas paigtingin at pagyabungin pa ang operasyon ng nasabing proyekto.

 

Sa kabilang dako, nagpapasalamat naman si TFA President Alex V. Quinones sa DOLE para sa tiwala nito sa kanilang asosasyon at sinabing lahat ng opisyal at miyembro nito ay sisigurihin ang paglinang at pagpapatuloy ng naipagkaloob na proyekto.

 

Tiniyak naman ng DOLE Field Office sa Mansalay na ang sack-making project ay tuwirang tutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka hindi lamang sa munisipalidad ng Mansalay, Bulalacao, at Roxas ngunit pati na rin sa buong probinsya ng Oriental Mindoro.

 

#paulang/emmanuel antonio portugal, jr.

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry