Pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang iba pang ahensiya sa pagbibigay ng P100,000 tulong sa bawat pamilya ng walong seaman na nawawala, sakay ng tugboat mula Korea pabalik ng Pilipinas, Enero ng nakaraang taon.

Sinabi ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE) na pinararangalan ng pamahalaan ang mga pagsasakripisyo ng mga seaman kasabay ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya.

“Ang mga Filipinong seafarers ang mga bagong bayani ng ating henerasyon at nararapat lamang na pasalamatan natin sila sa kanilang paghihirap at pagsasakripisyo upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Ipinaaabot namin ang aming pakikiramay sa pamilya ng mga bitkima at kami ay nananalangin para sa ikabubuti ng kanilang mga kaanak,” ani Bello.

Iginawad ni Bello, kasama sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac; Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Jess Yabes; DOLE Undersecretary Dominador Say; at Angkla Partylist Representative, Cong Jesus Manalo, ang tulong-pinansiyal sa benepisyaryo ng mga nawawalang seamen.

Iginawad ng DOLE at OWWA ang halagang P100,000.00 sa pamilya ng mga seamen na sina Alfredo Getigan, Cesar Guadalupe, Canoyos Tandog and Patricio Naciongayo. Nagbigay din ng parehong halaga ang DFA sa mga kamag-anak nina Jerry Cabag, Aaron Solangon, Donimmer Tandog at Roque De Guzman.

Magbibigay din ang OWWA ng psycho-social support sa miyembro ng pamilyang ng mga nawawalang Filipino seaman sa pamamagitan ng individual, group o family counseling; at educational assistance sa kapatid ng mga biktima.

Nagsasagawa ang mga Filipino seaman ng conduction operations sakay ng tugboat M/T Rokku Maru, pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng Tugsystems Marine Corporation, ng sila ay umalis sa Port of Busan, Korea at naiulat na nawawala simula noong 24 Enero 2016 papuntang Iligan City.
Ito ay nakakabit sa M/V Kwang Yan gamit ang towing line ngunit ito ay natanggal habang bumabaybay sa Kagoshima, Japan. Wala pang nababalitaan tungkol sa kanilang kalagayan matapos na maiulat ang aksidente makaraan ang isang buwan mula ng dumating ang M/V Kwang Yan sa Port of Iligan.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang iba’t ibang ahenisya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration, POEA, Philippine Coast Guard, Japan Coast Guard, Japan Maritime Rescue and Coordination Center, at ang International Maritime Bureau sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General sa Korea, ngunit walang natagpuang anumang bahagi ng tugboat at wala ding natagpuang seaman.

Noong nakaraang 16 Hunyo, nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Maritime Industry Authority (MARINA),at isinumite ang kanilang final analysis report na nagsasaad ng dalawang (2) maaaring dahilan sa pagkawala ng bangka at ng mga seaman tulad ng (a) lumubog o tumaob; (b) pag-agaw o napirata ang M/T Rokku Maru.

Samantala, pinaalalahanan ng DOLE at OWWA ang lahat ng Filipino seaman na magkaroon ng kinakailangang dokumento at insurance bago sila magtrabaho sa ibang bansa upang makatiyak ang kanilang karapatan at benepisyo sakaling magkaroon ng aksidente habang sila ay nagtatrabaho. Pinaalalahanan din ang mga agency at kompanya sa mga kakaharapin nilang kaso kung sila ay magpapatuloy sa kanilang negosyo ng walang kaukulang permit at clearance.

END/paulang/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry