Mas maraming Pilipinong seafarer at kanilang kamag-anak ang magkakaroon ng pagkakataong magtayo ng sariling negosyo at maiuwi ang higit kumulang P500,000 kasabay ng paglulunsad ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) ng ikaapat nitong business plan competition.

Sa temang “From Seafarers to Entrepreneurs: The 2018 NRCO-ISP Business Plan Competition (Harnessing Seafarers Capacities for Business Enterprises Development),” layon ng kompetisyon na mahikayat ang mga umuwing sea-based OFW na ituloy ang kanilang pangarap na makapagtayo ng negosyo at makapagbigay ng maayos na pamumuhay sa kanilang pamilya at empleyado.

Katuwang ng NRCO ang Integrated Seafarers of the Philippines (ISP) sa proyektong ito.

“Nais naming makadiskubre ng mga lider at hasain ang kakayahan ng mga seafarer upang magkaroon sila ng naiibang ambag sa bansa at maging may-ari ng kani-kanilang negosyo. Liban sa pag-aangat ng kanilang pamumuhay, makapagbibigay rin ang mga seafarer ng disente at maayos na trabaho para sa ating mga kababayan,” wika ni NRCO officer-in-charge Roel Martin sa ginanap na paglulunsad ng proyekto sa DOLE office sa Maynila.

Ang NRCO ay isang attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Layon rin ng patimpalak na magbigay suporta sa pag-unlad ng mga trabaho sa mga komunidad.

Ang best NRCO – ISP Business Plan of the Year ay magwawagi ng grand cash prize na Php 500,000.00; Php 100,000.00 para sa First Runner-up; Php 50,000.00 para sa Second, Third at Fourth Runners-up; habang ang mga matitirang finalists ay hindi uuwi nang walang makukuha dahil tatanggap sila ng Php 20,000.00 para sa consolation prize.

Noong Nobyembre 2017, si Oswald Rollorazo, 48 taong gulang at maritime captain ang nagwagi bilang best business plan para sa kanyang TMR Ruminant Feeds sa Sta. Ignacia, Tarlac.

Ang kompetisyon ay bukas para sa mga indibidwal, pair at grupo (minimum ng 3 miyembro) ng mga aktibong seafarer, higit ang mga magreretiro na sa pandaragat at interesadong magtayo ng sariling negosyo. Maaari ring sumali ang mga hindi na aktibong seafarer na nasa Pilipinas ng hindi hihigit sa limang taon at may adhikain ring pasukin ang mundo ng entrepreneurship.

Nagsimula nang tumanggap ng mga aplikante at business plan para sa kompetisyon ang NRCO noong Mayo 18 habang ang deadline para sa pagsumite ng entry ay sa Setyembre 7, 2018.

Ang mga isinumiteng business plan ay sasailalim sa masusing proseso ng screening at evaluation upang magkaroon ng listahan ng mga finalist, habang ang mga mananalo ay iaanunsyo sa gaganaping awarding ceremony sa Nobyembre, 9, 2018.

Ang mga interesadong OFW seafarer ay maaaring mag-download ng entry form, at makakuha ng karagdagang impormasyon kaugnay sa kompetisyon sa website ng NRCO: www.nrco.dole.gov.ph; www.isp.org.ph; at sa opisyal na Facebook page ng NRCO sa https://www.facebook.com/NRCOCentral/.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1