Nagtulungan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Land Bank of the Philippines (LBP) upang mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa kanilang online payment transaction gamit ang ePayment Portal (ePP).

Lumagda kamakailan sina OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac at LBP President and CEO Alex V. Buenaventura ng Memorandum of Agreement kung saan nakasaad na maaaring gamitin ng mga Balik-Manggagawa OFW ang ePP ng Landbank, isang internet-based payment system, para sa mas maginhawa at nakakasigurong pagbabayad ng kanilang kontribusyon.

Sa pamamagitan ng ePP, maaaring magsagawa ng transaksiyon o magbayad ng kanilang OWWA membership contribution ang mga Balik-Manggagawa OFW gamit ang internet sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng pagbabayad na iniaalok ng Landbank at tignan ang kanilang online financial fund para makaiwas sa anumang pandaraya.

Ang Landbank ePP ay ang unang e-payment portal na inilaan ng OWWA sa kanilang mga kliyente bilang bahagi ng kanilang layunin na mabigyan ng mabilis at maayos na pagbabayad ng kanilang OWWA membership gamit ang makabagong pasilidad at serbisyo.

Sinaksihan nina Labor Secretary Silvestre H. Bello III at LBP Senior Vice President Liduvino S. Geron ang ginanap na paglalagda sa DOLE Building, Intramuros, Maynila.

“Nilalayon ng aming pakikipag-tulungan sa LBP na mabigyan ang mga miyembo ng OWWA ng mas mabilis at medaling paraan ng pagre-renew ng kanilang membership upang tiyakin na sila ay may proteksiyon habang nagtatrabaho sa ibang bansa. Kami, sa OWWA, ay naniniwala na dapat nating gamitin ang teknolohiya sa ating ikabubuti, kaya kami ay lubos na nagsusumikap na gamitin ang teknolohiya sa ating mga programa para mabigyan ng maayos na serbisyo ang ating mga OFW,” ani OWWA Administrator Cacdac.

END/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry