Mahigit 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia bunga ng pagbaba ng presyo ng krudo ang nakinabang sa Relief Assistance Program (RAP) ng pamahalaan.

Ang RAP ay tulong-pinansiyal na isang beses lamang matatanggap ng kwalipikadong OFW na nananatili sa mga kampo, naninirahan sa ibang lugar sa KSA, o iyong umuwi ng Pilipinas ngunit hindi pa natatanggap ang kanilang sahod o mga benepisyo mula sa kanilang dating employer.

Sinabi ni Kalihim Silvestre H. Bello III na batay sa ulat ng International Labor Affairs Bureau, may kabuuang 10,501 na nawalan ng trabaho ang natulungan sa pamamagitan ng on-site RAP, samantalang 18,626 OFWs naman ang nakauwi na ng Pilipinas ang nakatanggap ng RAP mula sa regional office ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Tinatayang P469,888,031.06 ang kabuuang halaga ng naipamahagi on-site at dito sa ating bansa,” ani Bello.

Kanyang idinagdag na ang pinakamalaking bilang ng benepisaryo ay galing sa pangunahing siyudad ng KSA, ang mga ito ay Jeddah na may 4,938, sinundan ng Riyadh na may 4,334, at Al Khobar, na may 1,229 manggagawa.

Ayon kay Bello, tumanggap ang mga nasabing manggagawa ng tig-P26,000, ang P20,000 ay binigay sa OFW at ang natira namang P6,000 ay napunta sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.

Ang mga kompanya kung saan dating nagtrabaho ang mga apektadong OFWs ay sa Mohammad Al Mojil Group (MMG), Saudi Bin Ladin, Saudi Oger, FAWZI, Arabtech, MHM & Bros, Rakan Trading, ETE Company, SAAD, Alumco, at SRACO.

Samantala, nitong 7 Disyembre, 3,776 ang kabuuang bilang ng OFWs na umuwi mula sa KSA.

“Ito ay naisakatuparan sa pagsusumikap ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) sa Riyadh, Jeddah at Al Khobar, kasama ng mga ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas na nangangasiwa sa pag-papauwi ng mga OFWs,” ani Bello.

Maaalala na nitong unang bahagi ng Agosto, pinangunahan ng Kalihim ng DOLE ang delegasyon ng Kagawaran na bumubuo sa Composite Philippine Mission (CPM) ng pamahalaan para sa misyon na “Bring them Home.”

Ang inter-agency mission ay pinagsamang programa na naglalayong maibalik sa Pilipnas ang may 11,000 stranded OFWs na natanggal sa trabaho dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng krudo sa Middle East.

Ang mga ahensiya na naging bahagi ng misyon ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Public Attorney’s Office (PAO).

END/TDL/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1